P30 bilyon-P40 bilyon, kailangan para sa sapat na suplay ng bigas – DA
MANILA, Philippines — Bunsod ng napipintong krisis sa pagkain, inihayag ng Department of Agriculture (DA) na kinakailangan ng papasok na administrasyon ni presumptive president Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na maglaan ng mula P30 bilyon hanggang P40 bilyong pondo upang mapigilan ang posibleng pagkakaroon ng kakulangan sa suplay ng bigas sa bansa sa ikalawang bahagi ng taon.
Kasabay nito, sinegundahan din ni DA Undersecretary Fermin Adriano ang nauna nang babala ni Agriculture Secretary William Dar na maaaring magkaroon ng krisis sa pagkain ang bansa.
Nauna rito, sinabi ni Dar na base sa pagtaya ng mga eksperto, may napipintong food crisis sa bansa, dulot nang pagtaas ng mga presyo ng farm inputs, gaya ng mga pataba, sa ikalawang bahagi ng taong 2022, na pinalala pa ng epekto ng COVID-19 pandemic, patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo at giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine.
“Ang food crisis maaaring maramdaman towards the end of the year,” ayon pa kay Adriano.
“Nagbibigay kami ng warning sa next administration, hindi natin alam kung sasapat ang supply ng bigas sa second half ng taon… Kapag hindi tayo nagbigay ng ayuda sa mga magsasaka para sa fertilizer, baka magkaproblema,” babala pa niya.
Ani Adriano, isinusulong ng DA ang produksiyon ng mas maraming buto na ipamamahagi nila ng libre sa mga magsasaka.
- Latest