Krisis sa pagkain nakaamba - DA
MANILA, Philippines — Nagbabala kahapon ang Department of Agriculture sa nakaambang krisis sa pagkain dahil na rin sa COVID-19 pandemic at giyera sa Ukraine.
Ayon kay Agriculture Secretary William Dar, mino-monitor ang napipintong food crisis sa mundo na epekto rin nang pagtaas ng produktong petrolyo.
“Alam ninyo, ang mundo ngayon ay mayroon tayong mino-monitor na looming food crisis gawa ng COVID-19 pandemic, iyong Ukraine war at saka iyong pagtataas ng presyo ng petroleum. So, iyon ang nakikita natin, at marami na ring eksperto ang nagsasabi na there is a looming food crisis,” babala ni Dar sa Laging Handa press briefing.
Tiniyak ni Dar na may nakalatag na plano ang DA para matugunan ang food crisis.
Pero kailangan aniyang dagdagan ang pondo ng DA para mapagtuunan ang programa sa pagtatanim.
“Ang aking hinihingi lang ay dagdagan dapat po ang pondo ng gobyerno nitong Department of Agriculture para iyong focused areas ng, say, Plant Plant Plant Program Part 2, kagaya ng pamimigay natin ng fertilizer subsidy; additionally, iyong urban and peri-urban agriculture; iyong local feed production; iyong food mobilization; aquaculture and fisheries - ito iyong focused areas,” ani Dar.
Naging triple na rin anya ang presyo ng fertilizer.
Posible umanong maramdaman ang food crisis sa ikalawang semester ng taon kaya dapat maghanda ang lahat.
- Latest