Comelec iprinoklama 12 panalong senador para sa 19th Congress

The 12 newly-elected senators raise each other's hands after the proclamation of winners of the 2022 polls at the Philippine International Convention Center in Pasay City on May 18, 2022.
The STAR/Geremy Pintolo

MANILA, Philippines — Pormal nang iprinoklama ng Commission on Elections (Comelec) — na umuupo bilang National Board of Canvassers (NBOC) — ang 12 kandidatong nanalo sa pagkasenador sa eleksyong 2022.

Ikinasa ang naturang seremonyas, Miyerkules,  sa Philippine International Convention Center sa Lungsod ng Pasay.

Kasama sa kanila sina:

  • Robin Padilla (26,612,434)
     
  • Loren Legarda (24,264,969)
     
  • Raffy Tulfo (23,396,954)
     
  • Sherwin Gatchalian (20,602,655)
     
  • Francis "Chiz" Escudero (20,271,458)
     
  • Mark Villar (19,475,592)
     
  • Alan Peter Cayetano (19,295,314)
     
  • Juan Miguel Zubiri (18,734,336)
     
  • Joel Villanueva (18,486,034)
     
  • JV Ejercito (15,841,858)
     
  • Risa Hontiveros (15,420,807)
     
  • Jinggoy Estrada (15,108,625)

Ang mga boto sa itaas ay nakabatay sa canvass report no. 7.

 

 

Martes lang nang sabihin ng NBOC na itutuloy ang proklamasyon ng mga nanalo sa pagkasenador kahit na naka-schedule pang special elections para sa Tubaran, Lanao de Sur sa ika-24 ng Mayo at failure of elections sa Shanghai, China dahil sa COVID-19 lockdown.

Hindi na kasi makakaapekto ang 685,643 registered voters sa Lanao de Sur at 1,191 registered overseas voters sa Shanghai sa resulta ng senatorial elections.

Ang top 12 kasi na si Jinggoy Estrada ay lamang ng 1,844,655 kumpara sa top 13 na si dating Bise Presidente Jejomar Binay.

Una nang sinabi ni Comelec Commissioner George Garcia na inimbitahan din nila si Pangulong Rodrigo Duterte, Bise Presidente Leni Robredo, Senate President Vicente "Tito" Sotto III, House Speaker Lord Allan Velasco at Chief Justice Alexander Gesmundo sa proklamasyon.

Tanging si Hontiveros lang nag-iisang oposisyong senador na nanalo sa 19th Congress sa ilalim ng inaasahang administrasyon ni presumptive president Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr.

Magsisimula ang kanilang termino, tanghali ng ika-30 ng Hunyo, kasabay nina Marcos at presumptive vice president Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio. Tatagal sila sa pwesto ng anim na taon.

Flawless at efficient?

Proud na proud naman si Comelec chairperson Saidamen Pangarungan sa kinalabasan ng eleksyon lalo na't "naprotektahan" daw ng poll body ang karapatan ng taumbayan sa demokratikong proseso ng halalan.

"And significantly, this is an election with a very efficient and flawless Transparency Server that received all election results in record time immediately after voting on election day," sambit ng Comelec official.

"The swiftest transmission was witnessed by the watchful eyes of all representatives of political parties, the PPCRV, NAMFREL and other citizens’ arms. To all the winners and voters, congratulations!"

Ipinagmalaki rin ni Saidamen ang pagkakaroon lamang ng 16 insidente ng election-related violence na siyang "pinakaonti" raw, kahit na kasasabi lang ni Philippine National Police (PNP) spokesperson Jean Fajardo kanina na umabot ito sa 27.

Sa kabila nito, malayo ito sa naitalang 160 karahasan kaugnay ng 2019 elections.

Matatandaang pumalya ang maraming vote counting machines nitong ika-9 Mayo, maliban pa sa kaso ng pagpupunit ng mga shades balots ng ilang pulis. Bukod pa ito sa inilutang na diumano'y "constant 47% ratio" at "68:32 magic" sa pagitan ng ilang kandidato.

Nagpasalamat din si Pangarungan sa mga guro, kasundaluhan, PNP officials, voter's watch dogs atbp. na tiniyak ang tagumpay ng halalan.

"Now, it is time to proclaim the newly elected members of the Senate. Let us wish them success in leading our nation to its full potential," sabi pa niya.

"My countrymen, your new Senators of the Republic of the Philippines!" — may mga ulat mula kay Kaycee Valmonte

Show comments