MANILA, Philippines — Inaccessible ngayon sa publiko ang Presidential Museum and Library sa pamamagitan ng malacanang.gov.ph, bagay na naglalaman ng mga detalye hinggil sa kasaysayan ng mga nagdaang presidente ng Pilipinas — kasama na ang mga kaganapan sa ilalim ng Batas Militar.
Nangyayari ito ngayong nangunguna sa partial and unofficial tally si presumptive president Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. — anak ng diktador na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. na nagdeklara ng Martial Law noong 1972.
Related Stories
"Malacanang.gov.ph where the repositories of the Presidential Museum and Library were, is gone," wika ni dating Presidential Communications Development and Strategic Planning Office Manuel "Manolo" Quezon III, Lunes.
Ini-link tuloy niya ang sari-saring artikulo mula sa Official Gazette ng gobyerno patungkol sa pagdedeklara ng nakatatandang Marcos ng Martial Law — bagay na pinangangambahan niyang baka i-"delete" din sa hinaharap.
Sa kabila nito, nasa libro naman na raw ang mga nabanggit at naka-back up na sa http://Archive.org, na siyang para sa publiko at hindi pinagmamay-arian ng gobyerno.
Anyway here are links. The Official Gazette is no longer the government portal but incorporated into the main government site. Documents are untouched. What follows are features/briefers that might be deleted in the future. 1. Declaration of Martial Law https://t.co/op5HBctPWV
— Manuel L. Quezon III (@mlq3) May 16, 2022
1. The Philippine Electoral Almanac contains information, maps, and summaries of elections 1897-2010, including the Marcos-era plebiscites. https://t.co/txDt4K2Pvx
— Manuel L. Quezon III (@mlq3) May 16, 2022
Dating pinamahalaan ni Quezon ang development ng Presidential Museum and Library at dating editor-in-chef ng Official Gazette sa ilalim ng panungkulan ni dating Pangulong Benigno Aquino III.
Sinubukan din ng Philstar.com puntahan ang naturang website, ngunit hindi mapasok gamit ang iba't ibang browser.
Ayon naman kay acting presidential spokesperson Martin Andanar, itatanong niya ang isyung ito sa Office of the President (OP) upang makahingi ng paglilinaw sa nangyari.
"I'll ask the OP... That site is maintained by OP," sagot niya sa panayam ng Philstar.com.
Historical revisionism?
Matagal nang isyu para sa mga istoryador, survivors ng Martial Law, mga aktibista't human rights advocates ang isyu ng historical revisionism, o pagbabago ng kasaysayan ng para paboran ang ilang mga personalidad.
Matatandaang inilibing sa Libingan ng mga Bayani sa ilalim ng panunungkulan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nakatatandang Marcos, bagay na labis iprinotesta dahil sa implikasyon nito sa pagtingin sa kasaysayan, pang-aabuso at ill-gotten wealth ng mga Marcos.
Simula nang ipatupad ang Martial Law ni Marcos mula 1972 hanggang 1983, matatandaang umabot sa 70,000 ang kinulong, 34,000 ang tinorture habang 3,200 naman ang pinatay, ayon sa Amnesty International.
Taong 2018 lang din nang mapagdesisyunan ng Sandiganbayan na guilty para sa pitong counts ng graft ang asawa ng nakatatandang Marcos na si Imelda.