P33 taas sa minimum wage sa NCR aprub - DOLE
MANILA, Philippines — Inaprubahan ng regional wage boards ang dagdag sahod na P33 para sa Metro Manila, at P55 at P110 para sa Western Visayas, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE) nitong Sabado, Mayo 14.
Sa inilabas na Order No. NCR-23 noong Biyernes, Mayo 13, ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board ng Metro Manila, sa umentong P33, magiging P570 na ang bagong minimum na sahod sa National Capital Region at P533 para sa mga manggagawa sa non-argricultural at agricultural sectors.
Ayon sa DOLE, ang pagtataas ng sahod ay mapapakinabangan ng humigit-kumulang 1 milyong minimum wage earners sa Metro Manila “from undue low pay”.
Isinaalang-alang ng board ang pagpapanumbalik ng purchasing power ng mga manggagawa kaugnay ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, mga bilihin, at produktong petrolyo.
Noong Nobyembre 2018 ang huling pagkakataon na tumaas ang sahod ng mga manggagawa ng mga pribadong sektor sa Metro Manila.
Samantala, sa Order No. RBVI-26 na inilabas ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board sa Western Visayas, may dagdag sahod para sa mga manggagawa sa agriculture, industrial, at commercial establishments na P55 at P110.
Nagbigay din ang Western Visayas board ng P95 na umento para sa mga manggagawa sa sektor ng agrikultura, kaya naging P410 ang kanilang pang-araw-araw na minimum na sahod.
Inaasahang magkakabisa ang dagdag sahod 15 araw pagkatapos mailabas ang mga kautusan.
Matatandaang hiniling ng ilang grupo ng mga manggagawa ang P750 national minimum daily wage.
- Latest