Marginalized sector dehado sa paglusaw sa partylist system
MANILA, Philippines — Tutol si Senior Citizens Partylist Rep. Rodolfo Ordanes na buwagin ang partylist system sa bansa tulad ng nais ni Pangulong Duterte.
Ngunit, paglilinaw agad ni Ordanes pabor siya na masuri ang sistema at kung may magiging sapat na basehan ay magkaroon ng reporma.
Katuwiran ng mambabatas, kapag binuwag ang partylist system, madedehado ang marginalized sector ng lipunan dahil mawawalan sila ng representasyon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Dagdag pa nito, tulad ng mga nakakatandang populasyon ng bansa na siya ang kumakatawan at boses sa Kamara.
Binanggit din niya ang mga isinulong niyang panukala sa Kamara, kabilang ang pagtatag sa National Commission of Senior Citizens at ang P1,000 buwanang pensyon sa mga indigent senior citizens.
Sinegundahan naman ni Ordanes ang paniniwala ni Pangulong Duterte na naabuso at napapagsamantalahan ang partylist system, ngunit mas matimbang aniya ang kapakanan ng mahihirap at walang kakayahan na maipahayag ang kanilang mga karaingan.
Kabilang ang Senior Citizens Partylist sa nahalal noong nakaraang eleksyon, sinabi ni Ordanes na patunay lamang ito na may nagagawa sila sa Kamara at pinagkakatiwalaan.
- Latest