Walang ‘68:32 ratio’ sa boto nina BBM, Robredo — PPCRV
MANILA, Philippines — Naniniwala ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na walang nangyaring iregularidad sa katatapos na halalan makaraang pabulaanan ng mga eksperto ang lumulutang na isyu ng “68:32 ratio” ng bilang ng boto nina presumptive President Ferdinand Marcos Jr. at ni Vice President Leni Robredo.
Sa pag-aaral ng mga “mathematician” mula sa Ateneo de Manila University, pare-pareho ang dating ng mga bilang dahil sa sinasalamin lamang nito ang “national vote” na base naman sa “random pattern” ng pagpapadala ng mga election results.
“Our take is that the statistical analysis of the data does not indicate any irregularities,” ayon sa pahayag ng PPCRV.
“The relatively consistent distribution of votes may be expected to closely mirror the national vote given the random pattern of receipt of the transmitted results,” dagdag nito.
Sinabi ni Dr. William Yu, IT head PPCRV, sinuri ng mga eksperto ang distribusyon sa mga rehiyon ng mga naipadalang resulta. Ang mga naipadadalang boto mula sa mga rehiyon ay sinasabing sampol umano ng ratio ng kabuuang boto sa bansa.
Nagpaalala naman si PPCRV national chairperson Myla Villanueva sa publiko na mag-ingat sa pagpapakalat ng mga hindi berepikadong impormasyon na magbibigay ng pagdududa sa katatapos na eleksyon na bahagi ng demokrasya ng bansa.
- Latest