MANILA, Philippines — Panig ang dating brodkaster at presumptive senator na si Raffy Tulfo sa kanyang mga kabaro sa midya pagdating sa kontrobersyal na pagpapasara sa ABS-CBN at sa pagpapataw lang ng parusang sibil kaysa kriminal sa libelo.
Ito ang sabi ni Tulfo — na kasalukuyang top 3 sa pagkasenador sa partial and unofficial tally ng Comelec — habang idinidiing dapat kinasuhan na lang ang Kapamilya Network kung may nalabag sa batas kaysa hindi ni-renew ang prangkisa.
Related Stories
"Kung mayroon mang utang ang ABS-CBN sana inobliga na lang 'yung ABS-CBN na bayaran 'yung utang na 'yon rather than ipasara totally," wika niya sa panayam ng Rappler, Huwebes.
"Kasi maraming naapektuhang empleyado, libo-libo ang nawalan ng trabaho."
Matatandaang nawala sa ere ang ABS-CBN nang hindi lumusot sa Konggreso ang mga panukalang mabigyan sila ng bagong prangkisa. Nangyari ito matapos nilang makabangga si Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa hindi nila pag-eere ng ilan niyang patalastas noong kumakandidato pa noong 2016 kahit bayad na.
Susuportahan naman daw ni Tulfo ang anumang aplikasyon para sa bagong legislative franchise ng ABS-CBN kung nagkataon.
Una nang inilipat sa Advanced Media Broadcasting System (AMBS) ni dating Sen. Manny Villar ang dalawang television channels na dating pinatatakbo ng ABS-CBN.
"Siguro pag-botohan. Eh pwede naman siguro kapag nag-open ang 19th Congress. Pwedeng pag-usapan sa Konggreso. Tignan kung is it possible pa na maibalik ang prangkisa sa ABS-CBN," wika niya pagdating sa posibilidad ng pagbabalik ng mga frequencies sa dambuhalang network.
"Kung hindi na, [ipaliwanag kung] bakit."
Libelo bilang kasong sibil
Nais naman daw isulong ni "Idol Raffy" ang panukalang batas na magde-decriminalize sa kasong libelo. Kilalang humaharap din siya sa mga ganitong reklamo bilang isang kawani ng midya.
"Yes of course [I will support the calls to decriminalize libel]," patuloy ng hard-hitting na komentarista't media man.
"Saka meron pa ngang ipinasa si... Cong. Niña Taduran [ng] ACT-CIS party-list, 'yung 'Magna Carta for Media Workers.' At 'yan ay hindi pa napipirmahan at nagtatakda ako bakit hindi pa rin napipirmahan at hanggang ngayon nakabinbin pa sa Senado. Pumasa na 'yan sa Konggreso."
"I'll do a follow up... Nakapaloob diyan 'yung proteksyon para sa mga media workers, at the same time i-decriminalize na rin 'yung libel against media workers."
Sa kasalukuyang anyo ng libelo sa Pilipinas, posibleng makulong ang isang peryodista dahil sa libelo. Kung ito'y magiging civil case na lang, may parusa pa rin para sa mga totoong abusadong reporters ngunit kakailanganin na lang magbayad ng "civil damages."
Para sa mga press freedom advocates at media groups, nagagamit ang criminalized libel para i-harass ang mga reporter palayo sa kritikal na pagbabalita. — James Relativo