MANILA, Philippines — Kumakalat online ang isang quote card kung saan binabati ni Queen Elizabeth II ng United Kingdom si 2022 presidential candidate Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. sa kanyang napipintong pagkapanalo — ang problema, hindi totoong sinabi niya 'yan.
CLAIM: Nagsuot diumano ng pula ang longest-reigning British monarch sa kasaysayan para batiin ng "congratulations" si Bongbong, na nangunguna sa kasalukuyang partial and unofficial tally ng Comelec.
Narito ang buong sipi mula sa larawang kumakalat sa iba't ibang FB pages at groups:
Today, I wear red to express my congratulations to the Philippines' President-elect Ferdinand Marcos Jr. I know that he is a good leader. Unfortunately, the oligarchs are destroying his name, and the citizens just keep complaining.
Therefore, I can say, Philippines doesn't have the worse governance. It has the worst netizens.
RATING: Ito'y false.
KATOTOHANAN:
Mga detalyeng dapat malaman
Lunes lang nang sabihin ng Buckingham Palace na hindi pupunta ang 96-year-old monarch sa ceremonial opening ng UK parliament sa unang pagkakataon sa mahigit 60 taon dahil sa "episodic mobility problems."
Maliban diyan, wala pang naibalitang public appearance, talumpati o pahayag man lang ang reyna mula nang mangyari ang eleksyon sa Pilipinas noong ika-9 ng Mayo.
Importanteng konteksto
Kapansin-pansing nakalagay sa larawan ang "website" na horbpQuirer.net at HORBP Files. 'Wag magulat kung hindi mo mabuksan ang website na 'yan. Hindi kasi 'yan totoo.
Ang origin ng naturang larawan ay nagmula sa House of Representa-thieves: Butasang Pambulsa (o HORBP for short) — isang Facebook group sa nagpo-post ng mga satirical memes na katuwaan lang ngunit hindi totoo.
Kung tititigan nang maigi ang orihinal na paskil noong Miyerkules, mapapansing nag-iwan clues ang gumawa nito para ipahiwatig na joke-joke lang ito't hindi dapat seryosohin:
- Makikita ang mga salitang "SATIRE | NOT TRUE" sa bottom-right ng larawan
- May 11, 2021 naman ang ginamit na petsa sa litrato kahit na taong 2022 tumakbo sa pagkapangulo si Bongbong
- Luma na ang litratong ginamit at imposibleng "ngayon lang isinuot" para kay Bongbong. Taong 2021 pa ang litratong 'yan na kinunan ni Steve Parsons. Pagkatapos nito, flinip lang ito horizontally bago gamitin sa meme.
Mga tinanggal sa reposts
Ni-repost ng page na "Solid BBM supporters" ang paskil ngayong Huwebes ng umaga. Ang problema, tinanggal na nito ang ilang "clues" na magsasabing biro lang ito at hindi totoo.
Wala na sa litrato ang:
- salitang "SATIRE | NOT TRUE"
- pekeng petsa na May 11, 2021
- horbpQuirer.net at HORBP Files sa ibaba
Sa kabila nito, makikita pa rin ang parehong watermark sa upper-right corner ng larawan.
Bakit 'to mahalaga?
Habang sinusulat ang balitang ito, umabot na sa mahigit 1,100 reactions, 229 comments at 425 shares ang repost ng page na "Solid BBM supporters,"
Higit itong mas marami kumpara sa mga nag-react, komento at share mula sa orihinal na paskil ng House of Representa-thieves: Butasang Pambulsa (873 reactions, 60 comments at 124 shares) na siyang may kumpletong konteksto na ito'y satire.
Dahil dito, nakaabot sa mas maraming tao ang manipuladong litrato at imbentong sinabi — dahilan para maloko ang marami at isiping totoo ito.
Dinown-load tuloy at shinare na ng maraming lehitimong suporter ni Marcos ang manipuladong larawan nang hindi nalalamang katuwaan lang ang pinanggalingan nito.
"I’m speechless??????," sabi sa Facebook ng isang social media user.
Ang sabi naman ng isa: "All hail the Queen????."
"Grabe ito buti pa sa ibang bansa," sabi pa ng isa pang FB user. — reviewed by Kristine Joy Patag
--
This story is part of the Philippine Fact-check Incubator, an Internews initiative to build the fact-checking capacity of news organizations in the Philippines and encourage participation in global fact-checking efforts.
Philstar.com is also a founding partner of Tsek.ph, a collaborative fact-checking project for the 2022 Philippines’ elections. It is an initiative of academe, civil society groups and media to counter disinformation and provide the public with verified information.
Want to know more about our fact-checking initiative? Check our FAQs here.
Have a claim you want fact-checked? Reach out to us at factcheck@philstar.com