Maynila mahigpit ipatutupad 'no permit, no rally' matapos mga protesta sa Comelec
MANILA, Philippines — Ilang araw lang matapos ang eleksyong 2022, "mahigpit" na ipatutupad sa Lungsod ng Maynila ang isang batas mula pa sa panahon ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr. na siyang naglilimita sa pagproprotesta.
Inilabas ng presidential candidate at Manila Mayor Franciso "Isko Moreno" Domagoso ang naturang memorandum matapos mag-concede pabor kay Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. — ito habang nananawagang 'wag makigulo kaugnay ng mga resulta.
"Persuant to the power vested in me under Republic Act 8551... the District Director of Manila Police District and all its Station Commanders are hereby ordered to STRICTLY ENFORCE the provisions of Batas Pambansa 880 otherwise known as 'The Public Assembly Act of 1985," wika ni Domagoso, Miyerkules.
"All Punong Barangay and Barangay officials are likewise ordered to ensure that the provisions of BP 880 are strictly enforced within their respective barangays."
A day after election protests in Intramuros, Manila City Mayor Isko Moreno issues a city memo urging barangay captains and police commanders to "strictly enforce" the Marcos-era Batas Pambansa 880 which bans public assembly without securing a written permit @PhilstarNews pic.twitter.com/FRjB46kXw2
— Franco Luna (@francoIuna) May 11, 2022
Sa ilalim ng BP 880, pinagbabawalang magprotesta ang sinuman maliban na lang kung:
- mabibigyan ng permit
- idaraos ito sa mga freedom park
- idaraos ito sa pribadong lugar (basta pinayagan ng may-ari)
- idaraos sa isang paaralan ng gobyerno
Martes lang nang bumuhos sa headquarters ng Commission on Elections (Comelec) at Liwasang Bonifacio ang ilang aktibista, kritiko ng administrasyon at supporters ni Bise Presidente Leni Robredo matapos idiin ang nakikita nilang diumano'y dayaan sa halaan.
Sa kabila nito, inutusan ni Domagoso ang Bureau of Permits na agad aksyunan ang anumang aplikasyon para sa mga permit. Inaaprubahan ito dapat maliban kung may ebidensyang lilikha ang pagtitipon ng "clear and present danger" sa publiko.
Bawal i-disperse ang mga public assembly na merong permit, ngunit pwede itong gawin ng Philippine National Police oras na "maging marahas" ang protesta/public assembly.
Ang mga lalabag sa BP 880 ay pwedeng makulong nang mula isang araw o hanggang anim na taon depende sa probisyong malalabag.
Nakakampo ngayon sa Liwasang Bonifacio lusot
Nagkampuhan lang kamakailan sa Liwasang Bonifacio ang ilang grupo bilang protesta sa kontrobersyal na conduct ng halalang 2022, kung saan nakapagtala ng mga pagpalya ng vote counting machines, election-related violence at kwestyon sa "consistent" na ratio o porsyento ng ilang kandidato mula sa iba.
"Ang Liwasang Bonifacio ay isang FREEDOM PARK, exempted ito sa "No permit, no rally" policy batay sa Section 15 ng Batas Pambansa 880. Paulit-ulit na itong paalala ng Commission on Human Rights," wika ng Anakpawis party-list kaugnay ng memo ni Isko.
"[A]ng anumang hakbang ng kapulisan tulad ng marahas na dispersal sa Kampuhan ng Mamamayan Laban sa Dayaan ay patunay lamang na ang punong-bayan ay walang pinag-iba sa diktaduryang Marcos na hindi nagtataguyod sa karapatan ng mamamayan na magpahayag at mapayapang mag-asembliya."
Tinututulan nang marami sa mga nasa protesta ang nakikitang posibleng pagkapanalo ni Bongbong, na diumano'y nagsisimbulo ng panunumbalik ng mga Marcos sa Malacañang.
- Latest