MANILA, Philippines — Binisita ni 2022 presidential candidate Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang puntod ng amang si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. habang patuloy na namamayagpag sa partial and unofficial tally ng Commission on Elections.
Sa larawang ito na kanyang ipinaskil, Miyerkules, makikitang nag-aalay ng bulaklak si Bongbong sa amang si "Makoy" na kasalukuyang nakahimlay sa Libingan ng mga Bayani — kung saan maaring ilibing ang mga dating presidente — sa Taguig.
Related Stories
Matatandaang mahigit 20 taong naging diktador at pangulo ng Pilipinas ang nakatatandang Marcos at nagdeklara ng Martial Law noong 1972, bagay na nag-iwan ng 70,000 kinulong, 34,000 tinorture habang 3,200 naman ang pinatay, ayon sa Amnesty International. Nagbuo ang pamahalaan ng Human Rights Victims Claims Board para magbigay ng reparasyon sa mga biktima ng mga dokumentadong mga abuso.
Taong 2016 nang ilipat ang mga labi ng diktador sa Libingan ng mga Bayani, bagay na iprinotesta at isinisi ng mga human rights advocates, mga aktibista at oposisyon kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Bagama't hindi inendorso ni Digong ang kandidatura ni Bongbong, vice presidential running mate ng huli ang si presidential daughter at Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa ilalim ng UniTeam.
Habang sinusulat ang balitang ito, nangunguna pa rin si Bongbong sa bilangan matapos umani ng 31.07 milyong boto, bagay na sinundan ng kandidato ng oposisyon na si Bise Presidente Leni Robredo sa 14.8 milyon at Sen. Manny Pacquiao sa 3.62 milyon.
Una nang tinanggap ni presidential candidate at Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso ang kanyang pagkatalo at binati si Bongbong, habang sinasabing "sana'y maging opisyal" na ito. — James Relativo