MANILA, Philippines — Tiniyak ng Philippine National Police na hindi nila pipigilang magkilos protesta ang mga talunang kandidato.
Ang paniniyak ay ginawa ni PNP chief Officer in Charge (OIC) Police Lt. General Vicente Danao Jr. kasabay ng natatanggap nilang ulat na mayroon nagbabalak na mag-rally ng mga tagasuporta ni Vice President Leni Robredo.
Aniya, karapatan naman umano ng kahit na sino ang magpahayag ng kanilang damdamin at hindi ito pipigilin ng kapulisan hanggat hindi nakakaabala sa daloy ng trapiko o gumawa ng anumang kaguluhan.
Nilinaw ni Danao na mahigpit lamang ang kanyang kautusan sa kanyang mga pulis na pairalin ang maximum tolerance para hindi magkagulo.
Parte nito ang paggalang sa mga nagkakasa ng kilos protesta. Samantala, umapela naman si Danao sa mga magkikilos protesta na huwag magdulot ng abala sa trapiko at huwag manira ng public property.
Maaaring magdaos ng mga aktibidad sa mga freedom park at handa naman ang PNP sa mga post election violence at mayroon na silang contingency plan para dito.