'Congrats Bongbong': Isko Moreno suko sa 2022 presidential race

Kuha kay presidential candidate at Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso habang bumoboto, ika-9 ng Mayo, 2022
Mula sa Facebook page ni Francisco "Isko Moreno" Domagoso

MANILA, Philippines — Tinanggap na ng presidential candidate at Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso ang pagkatalo mula sa 2022 national elections — ito habang binabati ang posibleng pagkapanalo ni Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na nangunguna sa partial and unofficial tally

"Meron na pong pinili ang taumbayan, ang bawat Pilipino. Sa kasalukuyan po ay nais kong batiin si dating Sen. Ferdinand Marcos sa kanyang pangunguna at patuloy na pangunguna, and I hope it can be official soon," wika ng alkalde sa isang Facebook live stream, Martes.

"Kay president-elect Ferdinand Marcos Jr., I wish you all the best. Ako.., bilang isang karaniwang mamamayan, pumanatag kayo na kami ay makikiisa at hindi makikisali sa anumang gulo, sampu ng aking mga kasama, hangga't kaya ko silang paliwanagan."

 

 

Sinasabi niya ito matapos masugid na ikampanya ang paghahabol sa P203 bilyong estate tax ng pamilya Marcos na hanggang sa ngayon ay hindi pa bayad, ayon sa Bureau of Internal Revenue.

Kasalukuyang nangunguna si Marcos at kanyang UniTeam running mate sa pagkabise presidente na si Davao City Mayor Duterte sa mga paunang bilang ng Commission on Elections (Comelec), bagay na halos doble na sa ngayon ng boto kumpara sa pambato ng oposisyon na si Bise Presidente Leni Robredo.

Si Isko Moreno, na unang nakilala bilang isang aktor, ay kasalukuyang nasa ikaapat na pwesto habang sinusulat ang balitang ito.

"Life must go on. Katulad po ng ipinangako ko noon sa inyo, hanggang sa kahuli-hulihang araw ko po bilang Alkalde ng Lungsod ng Maynila ay magtratrabaho po ako," wika ni Domagoso sa isang hiwalay na paskil sa social media kanina.

Umaatras ngayon si Isko ilang linggo matapos ang kontrobersyal na panghihikayat niyang mag-withdraw sa pagtakbo si Robredo. — James Relativo

Show comments