65.7 milyong Pinoy pipili na ng mga bagong lider
MANILA, Philippines — Nasa 65.7 milyong mga botanteng Pilipino ang inaasahang dadagsa ngayon sa iba’t ibang ‘polling precincts’ ng Commission on Elections (Comelec) para pumili ng mga bagong lider ng bansa ngayong 2022 National at Local Elections.
Sinabi ni Comelec Chairman Saidamen Pangarungan na “all systems go” na sila maging ang mga katuwang na ahensya ng pamahalaan kabilang ang Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), at ang Department of Education (DepEd).
Kahapon, personal na ininspeksyon ni Pangarungan ang Comelec Election Monitoring and Action Center (CEMAC) sa Parañaque at ang Philippine International Convention Center sa Pasay City, kung saan gaganapin ang ‘canvassing’ para sa senatorial at party-list elections.
Tuluy-tuloy pa rin naman ang pagkukumpuni ng Comelec sa mga depektibong ‘vote counting machines (VCMs)’. Sinabi ni Commissioner George Garcia na 632 sa 790 nasirang VCM na ang kanilang nakukumpuni nitong nakaraang Sabado.
Ayon naman kay Atty. John rex Laudiangco, bagong spokesman ng Comelec, na 106,174 VCMs o 85 porsyento na ang naisailalim sa ‘final testing and sealing (FTS)’.
Bukod sa 65.7 na lokal na botante, nasa 1.7 milyong mga Filipino rin ang nauna nang bumoto sa ibang bansa sa pamamagitan ng ‘overseas absentee voting’.
Nasa 18,000 posisyon sa nasyunal at lokal na pamahalaan ang pupunuan ng mga botante mula Pangulo hanggang miyembro ng Sangguniang Pambayan o mga konsehal.
- Latest