365 Days na Mother’s Day
MANILA, Philippines — Ang Mother’s Day ay ang special na araw para sa mga ina ng tahanan na madalas ay nababaliwala ang kanilang mga kontribusyon at sakripisyo para sa mga anak, mister, at buong pamilya.
Sa simbahan namin ay hindi nagdiriwang ng Mother’s Day, doon lang sa Berean Bible Baptist Church sa Molino (‘yung ibang Baptist church po meron) dahil ang katuwiran ng aming nasirang Pastor Medel Barrera, hindi na kailangan pang maghintay tuwing pangalawang Linggo ng buwan ng Mayo na siyang selebrasyon nga ng Mother’s Day na isang araw lang para bigyang pagpapahalaga ang ating mga mahal na ina ng tahanan.
Bagkus dapat nga naman ay mula Linggo hanggang Sabado ay walang palya na hanggang malakas at kapiling pa si nanay ay bigyan na sila ng tamang respeto, paggalang, pagsunod, at higit sa lahat ay pagmamahal o parangal sa araw-araw mismo kahit sabihin o tingin natin na ordinaryo lamang na pagkakataon ito.
Ang mahigpit na bilin ni Ptr. Medel, araw-araw dapat nating sinusunod ang mga utos ni nanay kahit sa maliit mang paraan na may ngiti sa mga labi ng mga anak.
Hindi ‘yung tuwing Mother’s Day mo lang bibilhan si nanay ng bulaklak, regalo, at kontodo pa ang pagpo-post ng kung anu-anong mensahe sa social media para kay nanay. Pero pagdating sa bahay ay dedma mo lang si mother earth. Tuwing Mother’s Day ka lang din nagpapasalamat kay nanay, pero pagkatapos ng okasyon at sa mga sumusunod pang mga araw, buwan, at buong taon na muling lumilipas ay puro pagsisimangot, paghahaba ng mga nguso, pagdarabog, pagmamaktol, pagsisinungaling, pagsasagot ng pabalang, at ni hindi pagpansin sa kanyang mga bilin o utos. Mas inuuna pa ang barkada at paglalaro ng mga gadgets, pagkukulong sa kuwarto, o nakatutok sa harap ng TV na parang walang narinig sa mga utos ni nanay kahit nadinig na nang kapit-bahay sa lakas ng boses ni inang na maghugas ng pinggan o iba pang pinagagawa ni nanay.
Ang sagot mong “wait! Opo mamaya na! Saglit lang!” ay inabot na hanggang kinabukasan o 100 years.
Hindi naman kontra si Ptr. Barrera sa pagdaraos ng Mother’s Day, ang katuwiran lang niya ay dapat araw-araw ay palagiang ipamalas at ipadama na special ang turing na pagmamahal kay nanay. Ang pagbibigay ng lambing, yakap, pakikipag-usap, o maglaan ng oras para kay nanay.
Ang simpleng “thank you” na nilutuan ka o pinaglaba ka ng mga damit mo kahit matanda ka na! Aba’y hindi mo na kailangan pang maghintay tuwing Mother’s Day para lang pasayahin si nanay o baka saka ka na lang mag-iiyak o magbigay ng bulaklak sa puntod niya kapag wala na si nanay.
Saka ka na lang din magsisisi sa bandang huli at mag-aatungal ng iyak na magkukuwento sa museo ni nanay at magpo-post ng mga litrato kung kailan nasa tabi mo na lang ay ang lapida ni nanay na hindi na maririnig ang boses o halaklak mo.
Lalong hindi na niya maaamoy o makikita kahit ilang dosenang bulaklak pa na ibigay mo kung kailan 6 ft. below under the ground na si nanay.
Huwag nang maghintay na maging huli na ang lahat, dahil ang Mother’s Day ay dapat ipinadarama ang pagmamahal at pagpapahalaga sa ilaw ng tahanan araw-araw dahil 365 days din walang sawang nagsasakripisyo at nagsisilbi si nanay para sa anak at asawa na hindi man naghihintay ng kapalit ay mapasaya lamang ang kanyang mga mahal sa buhay.
Ang hangad ni ina ay ihanda ang mga anak sa kinabukasan upang magtagumpay ang mga ito sa anomang kanilang buhay sa hinaharap, kahit tumanda o lumisan man si nanay mula sa piling ng mga mahal niya ay hindi siya mag-aalala.
Kung susunod at makikinig nga lamang kay nanay sa anomang ordinaryong araw o pagkakataon, feeling din ni nanay ay araw-araw ang selebrasyon ng Mother’ds Day. Kahit walang bulaklak o regalo, dahil ang munting oras na sinasambit na pasasalamat at yakap kay nanay ay sapat nang nagpapangiti ng kanilang puso.
- Latest