MANILA, Philippines — Itotodo na ng mga presidentiables at kanilang tiket ang huling sigwada ng kampanya sa pagkakasa ng kani-kanilang inaabangang ‘miting de avance’ sa mga balwarte na inaasahang dudumugin ng libu-libong mga tagasuporta.
Sa kampo ni Vice President Leni Robredo at ka-tandem na si Sen. Kiko Pangilinan, ikakasa nila ang kanilang miting de avance sa pusod ng Makati City sa kanto ng Ayala Avenue at Makati Avenue ngayong Mayo 7.
Napakaimportante umano ng lugar na ito dahil sa dito rin isinagawa ang mga demonstrasyon noon sa dating administrasyong Marcos makaraang paslangin si dating Senador Ninoy Aquino Jr. noong 1983.
Hindi naman papatalo ang UniTeam sa pangunguna nina dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Davao City Mayor Sara Duterte na hindi lang isa ngunit tatlong ‘miting de avance’ ang ikinasa na Luzon, Visayas at Mindanao.
Unang isinagawa ang una nilang Miting de Avance nitong Mayo 3 sa Iloilo at sinundan nitong Mayo 5 sa Davao City. Pinakahuli nilang Miting de Avance ay ikakasa ngayong Mayo 7 sa harapan ng Solaire Resort and Casino sa Parañaque City.
Sa kampo nina Sens. Panfilo Lacson at Vicente “Tito” Sotto III, ikinasa nila nitong Biyernes ng gabi (Mayo 6) ang kanilang Miting de Avance sa ‘hometown’ ni Lacson sa may Carmona, Cavite. Makaraang umiwas sa mga kantahan at sayawan na event, tila ibinuhos na ng tambalan ang kanilang baraha nang padaluhin ang mga artista ng sikat na Eat Bulaga “Dabarkads’ at ilang performers.
Ngayong Sabado, magkakasa ang tambalan ng ‘caravan’ at lilibutin umano ang mga lugar sa Metro Manila na hindi karaniwang nararating ng mga kandidato.
Babalik naman si Aksyon Demokratiko bet Manila Mayor Isko Moreno sa kaniyang pinagmulan sa Moriones, Tondo ngayong Mayo 7 sa kanyang Miting de Avance kasama si Dr. Willie Ong. Sinabi ni Moreno na ito ang paraan niya para magpakita ng pasasalamat sa kaniyang mga dating kapitbahay, kaibigan at mga residente ng lugar kung saan nag-umpisa siya ng kaniyang karera sa serbisyo-publiko.
Si Pambansang Kamao Sen. Manny Pacquiao naman ay mas pinili na sa Cebu City ikasa ang kaniyang Miting De Avance at hindi sa Mindanao. Ipinaliwanag ni Pacquiao na sa Cebu umano talaga nagmula ang kanilang pamilya at nais niyang balikan ito.
Nauna namang nagkasa ng kanilang Miting de Avance sina labor leader Leody De Guzman at running mate Walden Bello sa Quezon Memorial Circle nitong Mayo 4.