MANILA, Philippines — Hindi na magugulat ang kampo ni presidential candidate at Bise Presidente Leni Robredo kung mabasag uli ang daan-daang libong record na naitala sa mga nakaraang campaign rallies sa papalapit nilang miting de avance — tinitignan daw kasi nila ang pagpapaabot dito sa 500,000 pataas.
Ito ang sinabi ng tagapagsalita ni Robredo na si Barry Gutierrez, Miyerkules, matapos ianunsyo ang kanilang huling pagtitipon sa Ayala Ave. cor Makati Ave. sa Lungsod ng Makati ngayong Sabado bago ang aktwal na eleksyon.
Related Stories
"There were 400,000 in Pasay, April 23. We expect that this will be more," wika ni Gutierrez sa panayam ng ANC kanina.
"So conservatively, campaign is banking on at least half a million. Although some are saying that we could easily hit a million attendees to the Saturday miting de avance in [the National Capital Region]."
Kung umabot sa isang milyon ang dadalo sa rally sa ika-7 ng Mayo, kalahati na ito ng tinatayang dumalo sa 1986 People Power Revolution sa EDSA.
Bukod sa kampanya sa Makati, nakatakda ring magkaroon ng grand rallies sa Sorsogon City, Legazpi City at Naga City sa Bikol — na balwarte ni Robredo — sa Biyernes.
Tinitignan din ngayon ng kanilang kampo ang mga serye ng sorties sa Luzon, Visayas at Mindanao na para bagang maliliit na miting de avance dahil na rin sa dami ng inaasahang dadalo sa huling linggo ng pangangampanya.
Bagama't sinasabing umabot sa 400,000 ang rally ni Robredo sa kanyang ika-57 kaarawan sa Pasay, una na itong pinagdudahan ng Philippine National Police (PNP) at naniniwalang 80,000 lang ang dumalo.
Sa kabila nito, lumalabas sa isang online tool na posibleng underestimation ang ginawa ng PNP sa bilang ng mga dumalo.
Bagama't naglalakihan ang mga rally bago ang eleksyon, nananatiling nasa ikalawang pwesto lang si Robredo sa huling Pulse Asia survey kung paniniwalaan ito.
Sa kabila nito, kinekwestyon ito ng ilang statisticians at social scientists gaya na lang ni Romulo Virola, dating secretary general of the National Statistical Coordination Board, na nagsasabing maraming underrepresentation at overrepresentation sa ilang mga kinapanayam ng Pulse Asia sa kanilang survey.
"There have been a lot of predictions as to what will happen in [the] May 9 [elections]. And at this point, we'll see what the most accurate guage of the election outcome will be when the results come in," patuloy pa ni Gutierrez.
"In every election I have seen, I have not seen this level of citizen mobilization and volunteer engagement for any candidate... regardless of the outcome." — James Relativo