MANILA, Philippines — “Nagsalita na ang pangulo (Rodrigo Duterte), kaya susunod kami sa utos niya”.
Ito ang pahayag ni Charlie “Atong” Ang, ang pangulo ng Pitmaster Live na isa sa mga kumpanya na may palarong e-sabong.
Dagdag pa ni Ang, “gagamitin namin ang panahon na ito para ayusin ang mga isyu hinggil sa sinasabi ng pangulo na mga problema sa e-sabong.”
Nauna nang ipinatigil ni Pangulong Duterte ang lahat ng e-sabong sa bansa simula kahapon, araw ng Martes, bunsod ng rekomendasyon ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año.
Ayon sa Malacañang, maraming nalululong sa e-sabong na nagiging social problem na.
Nangako naman si Ang na kapag muling binuksan ang e-sabong ay naayos na nila ang mga nasabing problema.