Vaxx cards ‘di kailangan sa pagboto
MANILA, Philippines — Nilinaw ng Commission on Elections (Comelec) na hindi na kailangang ipakita ang ‘vaccine cards’ para makaboto ang isang kandidato sa darating na Mayo 9.
Bukod dito, sinabi rin ni Comelec Commissioner George Garcia na hindi na rin kailangang magpakita ng negatibong resulta ng RT-PCR o antigen test, at maging ang pagsusuot ng face shield. Tanging kailangan na lamang ay ang tamang pagsususot ng face mask.
Inabisuhan din niya ang mga botante na matapos bumoto ay huwag nang umistambay sa mga lugar ng eleksyon tulad ng mga paaralan para hindi na makadagdag sa siksikan ng tao at para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Magpapatupad rin ang Comelec ng mahigpit na protocol laban sa pag-uumpukan ng mga tao at pagkukuwentuhan.
Ang mga botante na makikitaan ng sintomas ng COVID-19 ay hindi na pauuwiin agad at hahayaang makaboto sa ilalagay nila na ‘isolation polling places’ malapit din sa presinto.
Unang hinikayat ng Comelec ang mga botante na gumawa ng kodigo para mapabilis ang pagboto ngunit pinagsabihan na itabi ang mga cellular phones dahil sa baka sila masita at maireklamo ng mga ‘election watchdogs’.
- Latest