MANILA, Philippines — Naghayag ng suporta si senatorial candidate Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar para sa panukalang bumuo ng health insurance policy para sa mga estudyante.
Ayon kay Eleazar, malaki ang maitutulong ng panukala upang matiyak ang kalusugan ng mga estudyante lalo ngayo’t ‘di pa tapos ang COVID-19 pandemic.
“Suportado ko ang pagbibigay ng health insurance sa mga estudyante lalo na sa kabila ng pandemya o health emergency. Kailangan din ito lalo na’t binabalak na iexpand pa ang face-to-face classes kaya’t mas marami na ring estudyante ang papasok sa mga paaralan. Nangangahulugang kailangan ng dagdag proteksyon sa kalusugan ng ating mga mag-aaral lalo na ‘yung hindi pa sakop ng insurance ng kanilang mga magulang,” aniya.
“Ilalaban ko sa Senado ang pagkakaroon ng malaking pondo para mabigyan ng health insurance ang mga estudyante. Alam nating hindi magma-materialize ang programang ito kung hindi sapat ang pondong ilalaan para dito,” sabi naman ni Eleazar.
Kabilang sa mga pangunahing isinusulong ni Eleazar sa kanyang kandidatura ang pagtiyak at pagprotekta sa kalusugan ng bawat Pilipino.
Balak niya ring bigyan ng health insurance ang barangay workers, mass transport drivers at riders, at mga security guard.