Ilocanos naghayag ng suporta kay Eleazar

MANILA, Philippines — Binisita ni dating PNP chief at senatorial candidate General Guillermo Lorenzo Eleazar ang Ilocos Norte at Ilocos Sur nitong Miyerkules (April 27), at mainit na tinanggap ng mga residente.

Unang tumulak si Elea­zar sa Pagudpud, Ilocos Norte kung saan siya nagsagawa ng motorcade, at sinundan ito ng pagbisita sa palengke sa Bangui. 

Matapos makausap ang mga vendor at mamimili, nagtungo naman si Eleazar sa Laoag City, Ilocos Norte kung saan siya muling nagsagawa ng motorcade, bago nag-street campaign sa Cabugao, Ilocos Sur.

“Ako po si General Eleazar at hinihingi ko po ang inyong pagtitiwala. Ako po ay nagsilbi sa serbisyo ng apat na dekada bilang sundalo at pulis. Ako po ay nanindigan sa tama dahil ang aking panuntunan, ang tama ay tama at ang mali ay mali kaya pinaninindigan natin at ipinaglalaban ang tama. Naniniwala ako na kaisa ko kayo sa damda­ming iyan,” aniya.

“Kaya po sa paghingi ko ng inyong suporta, hayaan niyo po na dalhin ko sa Senado ang inyong pagtitiwala at ang akin pong 38 years na paglilingkod – ang matapang, masipag, matapat, at maaasahang serbisyo na aking ipinakita – iyan po ang ginagarantiya ko na dadalhin ko sa Senado dahil ipaglalaban ko ang araw-araw na laban niyo.

Matapos mangampan­ya sa Southern Luzon noong nakaraang linggo, sa Northern Luzon naman ginugol ni Eleazar ang panahon para maipaabot sa nakararami ang kanyang plataporma.

Malaking bahagi ng 23-point legislative agenda ni Eleazar ang pagpapabuti sa peace and order at seguridad, na kanyang pinaniniwalaang susi sa pag-unlad.

Nais din ni Eleazar na palakasin ang public health and safety sa gitna ng COVID-19 pandemic, at big­yang katiyakan ang bawat pamilya na may makukuhang trabaho’t pagkain.

Kasama rin sa plataporma ni Eleazar ang pagpapalakas sa kakayanan ng kabataan na pinaniniwalaan niyang magsusulong sa katotohanan, pag-unlad, at kinabukasan ng Pilipinas.

 

Show comments