Paggamit sa nakakulong na Pharmally execs sa pol ads ni Gordon, inalmahan
MANILA, Philippines — Sinita ni Atty. Ferdinand Topacio si Sen. Dick Gordon dahil umano sa patuloy na panggagamit nito sa isyu ng Pharmally controversy para sa kanyang kandidatura.
Ayon kay Topacio, ipinakulong lamang sa kasong contempt sa gitna ng Senate hearing ang kanyang mga kliyente na sina Pharmally Director Linconn Ong at Pharmally Secretary Mohit Dargani subalit ipinalalabas na ni Gordon sa kanyang political advertisements para sa May 2022 election na ang dalawa ay ang mukha ng graft and corruption na nilalabanan ng senador.
Iginiit pa ni Topacio na noon pa man ay malinaw na sa kanila ang panggagamit ni Gordon sa isyu para sa kanyang reelection bid kaya sa loob ng 6 na buwan ay hindi pa rin napapalaya sina Ong at Dargani kahit tapos na ang senate investigation sa Pharmally at nakarecess na ang Senado.
Suportado naman ni Atty. Trixie Angeles ang posisyon ni Topacio, sa isang tweet sinabi nito na naghahangad pa ng reelection si Gordon gayong ito ang unang lumalabag sa karapatan at presumption of innocence nang ipakulong nito sina Dargani at Ong.
Una nang sinabi ni Sen Panfilo Lacson, miyembro ng Senate Blue Ribbon Committee na dapat nang palayain ang dalawa dahil tapos na ang imbestigasyon ng Senado sa Pharmally issue at mayroon nang final report dito ang komite gayunpaman kinontra ito ni Gordon sa pagsasabing preliminary report pa lamang ang ipinalalabas ng komite subalit iginiit ni Topacio na walang ganitong Senate rules.
- Latest