‘3-way race’ sa presidency, malabo na - analyst
MANILA, Philippines — Hindi na umano posibleng mangyari na magkaroon ng tatlong nangungunang maglalaban sa “presidential race” may dalawang linggo bago ang halalan, ayon sa analyst na si Dindo Manhit ng Stratbase ADR Institute research firm.
Sinabi ni Manhit na nakitaan ng pagbaba ng kanilang numero ang ibang mga kandidato mula noon pang Pebrero kaya hindi na mangyayari na may ikatlong makakadikit sa halalan.
Kabaligtaran ito sa pahayag ni Aksyon Demokratiko presidential bet at Manila Mayor Isko Moreno nitong umpisa ng Abril na magkakaroon ng “three-way race” sa halalan.
“We see that by this time a leading candidate, in this case (former) Sen. (Ferdinand) Marcos Jr, and running a second, maybe far second but building a momentum, is Vice President Leni Robredo,” paliwanag ni Manhit.
Sinabi pa niya na ang pangunguna ni Marcos ay maaaring ituro sa pagsasanib ng puwersa ng mga Duterte at mga Marcos. Sa kabila nito, tumataas naman ang suporta kay Robredo dahil sa diwa ng volunteerism.
Ngunit hindi naman umano ito nakataga sa bato dahil sa sinasabing may 40 porsyento pa ng mga Pilipino ang maaaring magbago ng kanilang iboboto. Ang hamon na lamang umano ay kung paano ito gagawin ng mga kandidato at paano mako-convert ang mga botante.
- Latest