MANILA, Philippines — Dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng pangunahing bilihin kabilang ang mga gamot, plano ni senatorial candidate Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar na itaas ang pension ng mga indigent senior citizens sakaling manalo sa nalalapit na halalan.
“Kung ako ay palaring makaupo sa Senado, isa sa magiging prayoridad ko ang kapakanan ng ating mga senior citizens at kasama na nga dito ang pagtaas ng kanilang pension kada buwan. Marami sa ating mga lolo at lola ay dito na lamang umaasa sa kanilang pension para makabili ng kanilang mga gamot. Tumataas ang bilihin pero hindi ang kanilang pension kaya’t ito ang ating isusulong sa Senado,” ani Eleazar.
Ayon kay Eleazar, hindi sapat ang pension ng mga senior citizen ngayon kung ikukumpara sa laki rin ng gastos lalo na sa aspetong medikal. Malaking tulong sa kanila, maging sa kanilang pamilya, kung madadagdagan ang kanilang pension kada buwan. Umaabot lamang sa P500 ang buwanang pension ng isang senior citizens.
Palalakasin din ni Eleazar ang health services sa barangays upang mas maging epektibo ang pagseserbisyo sa mga senior citizens.
Dagdag ni Eleazar, dapat ilapit sa mga lolo at lola ang mga serbisyong medikal upang hindi na sila bumiyahe pa sa malalayong ospital para magpatingin sa doktor o magpagamot gayundin ang pagbibigay ng trabaho sa mga senior citizen na nais pang maghanapbuhay sa kabila ng kanilang edad.