'Venue hindi bayad?': Huling Comelec debates inilipat sa April 30, May 1
MANILA, Philippines (Updated 11:57 a.m.) — Ipinagpaliban ng Commission on Elections (Comelec) ang huling presidential at vice presidential debates na naka-schedule sana ngayong Sabado at Linggo kasunod ng ilang isyu sa pagbabayad diumano sa Sofitel Hotel.
Una nang iniulat na hindi pa nababayaran ng Vote Pilipinas — na organizing partner ng Comelec — ang utang na nagkakahalaga ng P14 milyon.
Ayon kay Comelec Commissioner George Garcia, Biyernes, kinuha na nila bilang bagong partner ang Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) para maikasa ang huling dalawang debates sa ika-30 ng Abril at ika-1 ng Mayo.
"Nag-offer po ang KBP ng kanilang kahandaan, ng kanilang suporta at tulong sabi nila sa bayan... at sila ang partner namin. Walang gastos on the part of the commission, for free," ani Garcia kanina.
"Sa kasalukuyan po, ongoing po ang aming pakikipag-ugnayan sa atin pong mga kandidato... upang sabihin sa kanila at mag-apologize, humingi ng despensa sa hindi pagpapatuloy ng debate bukas at sa Linggo."
"Hinihiling po namin ang kanilang presensya lahat na maka-attend sa debate."
Matatandaang hindi sumipot sa ni isang debate na ikinasa ng Comelec ang presidential at VP candidates ng UniTeam na sina Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. at Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio. Gayunpaman, walang batas na nag-oobliga sa kanilang dumalo.
Idiniin naman ni Commissioner Rey Bulay na hindi pwedeng i-finance ang mga debate gamit ang pera ng publiko. Humingi rin siya ng tawad sa mga kandidato dahil sa naturang gusot, ito habang nangangako ng imbestigasyon pagdating sa isyu ng kinuhang contractor ng poll body.
Aniya, naiintindihan ni Bulay na na-set na ng mga kandidato ang kani-kanilang schedule para sa mga nalalabing araw ng pangangampanya at humingi ng pag-intindi sa nangyari.
"'Yun pong mga nagco-comment ng public opinion na ang Comelec eh may sina-side-an, may kinakampihan at mandadaya, ako po ay nagwa-warning sa inyo," banggit ni Bulay.
"We will not hesitate to call upon the Armed Forces of the Philippines, na ngayon sa panahong ito ay nasa ilalim ng kontrol ng Comelec, na patulan at ipahuli at ipakulong kayo, 'yung manggugulo sa eleksyong ito."
Paalala ng Comelec official, nasa panig sila ng batas at nagnanais lang ng kapanipaniwala at mapayapang halalan sa Mayo.
Dating hepe ng piskalya ng Maynila si Bulay at hindi raw magdadalawang-isip na pakasuhan ang mga nais manggulo. — may mga ulat mula sa News5
- Latest