MANILA, Philippines — Inaasahan ng Commission on Elections (Comelec) ang mas malaking bilang ng boto mula sa overseas absentee voting (OAV) ngayong halalan dahil sa nakita nilang mas mataas na interes ng mga Filipino na nasa ibang bansa na makilahok sa eleksyon.
Sinabi ni Comelec Commissioner Marlon Casquejo na dahil sa mataas na interes lalo na sa mga unang araw ng pagbubukas ng OAV, nakikita na mas malaki ang resulta nito kumpara sa eleksyon noong 2016 at 2019.
Sa datos ng komisyon, nasa 1.7 milyong Filipino na nakabase o nagtatrabaho sa ibang bansa ang nakarehistro.
Sa naturang bilang, 30% lamang ang target ng Comelec na aktuwal na bumoto. Ngunit hindi pa nagtatapos ang halalan, naabot na umano nila ang naturang target mula nang mag-umpisa ang OAV nitong Abril 10.
Noong 2016, higit sa 430,000 overseas Filipino o 31.25% ng 1.37 milyong nakarehistro ang bumoto. Noong 2019, nasa 334,000 o 27.3% ng 1.82 nakarehistrong botante ang aktuwal na bumoto.
Tinukoy ni Casquejo ang tagumpay ngayon sa OAV sa isinagawang pagbabago ng komisyon tulad ng pagpapatupad ng “vote anywhere” scheme at “field voting”.
Sa “field voting”, nagtutungo mismo ang mga tauhan ng embahada at special board of election inspector sa mga lugar na maraming Filipino ang nakatira, habang sa “vote anywhere” ay pinapayagan na makaboto ang isang Pinoy kahit na nasa iba silang bansa sa ‘voting period’.