MANILA, Philippines — “Kahit ano pa ang kulay mo, kung ikaw ay para sa pag-usad ng ating bansa sa ilalim ng isang gobyernong tapat, welcome ka!”
Ito ang sinabi ni Erin Tañada, senatorial campaign manager ng Robredo camp, matapos ang paglulunsad ng bagong campaign logo na nagdedeklarang hindi na lamang iisa ang kulay nila kundi isa nang rainbow coalition na nagbubuklod sa mga mamamayan ano man ang antas sa buhay.
Kaya naman aniya ay inilabas na ng Robredo campaign team ang isang “multicolored flower” na logo bilang simbolo ng pagkakaisa kahit may pagkakaiba sa ilalim, ng isang tunay na people’s campaign.
Pinatutunayan lamang nito na sa simula’t simula pa lamang ay isang malaking “tent” ang kampanya ni Robredo na welcome ang lahat, anuman ang estado sa buhay o pulitikal na kulay.
Dahil ayon kay Tañada, ito na ang realidad ng walang tigil na paglipat ng mga tao mula sa kampo ng ibang presidentiables patungo sa kampo ni Robredo.
“The big switch to our favor has been going on. At marami pa kaming inaasahang pagsasanib puwersa sa mga susunod na araw bago ang Mayo 9,” dagdag pa niya.
Iniuugnay niya ang mga paglipat na ito sa mahusay na “groundwork” ng mga “happy volunteers” ni Robredo at ang mas maayos na plataporma nito.
“Kasama na rin diyan ang big crowds. ‘Yung positive vibe is infectious. Kaya pagkatapos ng rally, uuwi sa kanilang pamilya at lugar na may hatid na kuwento ng pag-asa. And this is when conversion begins,” paliwanag ni Tañada.
Kasama rin aniya dito ang pagsama ng mga celebrities sa house-to-house campaign, pati sa mga rallies at caravan, na buong buo ang suporta kay Robredo.