2 malaking grupo kumalas kay Isko, lumipat kay Robredo
MANILA, Philippines — Dalawang malalaking grupo, sa pagkakataong ito ang Aksyon Demokratiko-Youth at Isko Tayo Kabataan, ang kusang kumalas sa lumulubog na bangka ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso noong Martes at lumipat sa kampo ni Vice President Leni Robredo.
Ang rumaragasang paglipat ng grupo kay VP Leni ay lalong lumalawak makaraan ng mapanirang pahayag ni Domagoso na umatras sa kandidatura si Robredo.
Sa pananaw ng AD-Youth at Isko Tayo Kabataan, ang pahayag na ito ni Yorme ang umano’y nagbunsod sa kanila upang lumipat kay VP Leni.
Napag-alaman din kahapon na isang bagong koalisyon na binubuo ng mga dating tagasuporta ni Isko — ang Isang Mamamayan Para Kay Leni o IMK Leni-IM Pilipinas — na nakabase sa Cebu ay nagpulong din sa Ginza Restaurant sa Cebu City upang ikasa ang malawak na base nila upang sama-sama nilang itulak ang kandidatura ni Robredo sa Cebu.
Sinabi ni Elmer Argano, lead convenor ng IMK Leni-IM Pilipinas coalition; “No one can accuse us of raiding the ranks of Isko’s supporters because these groups who have decided to heed our call to rally behind the Vice President came to us voluntarily and spontaneously.”
Dagdag pa ni Argano, marami pang grupo sa Ilocos Sur, Caraga region at iba pang parte ng bansa ang nakatakdang magdeklara ng kanillang paglipat mula kay Isko tungo kay Robredo.
Marami na rin kasapi ng Aksyon Demokratiko ang tumiwalag kay Isko kabilang na rito ang ilang grupo ng mga Muslim Imam at youth scholars mula sa Zamboanga, Sulu, Basilan at Tawi-tawi.
Ang panawagan ni Domagoso na umani ng pinakamabangis na galit ng taumbayan sa Manila Mayor hanggang ngayon ay nag-udyok din ng isang malupit na pagsaway mula kay Sen. Manny Pacquiao, isang paghingi ng tawad mula kay Sec. Norberto Gonzales at isang mabilis na pagtanggi mula kay Sen. Ping Lacson, na pawang nagsabing ito ay isang maling judgment call sa panig ni Domagoso.
Sina Pacquiao, Gonzales at Lacson ay kasama ni Domagoso sa presscon sa Manila Peninsula na ikinagulat nila ang tahasang pahayag ni Domagoso dahil hindi ito ipinaalam sa kanila bago mangyari ang press con.
- Latest