PNP iimbestigahan pamamaril vs De Guzman campaign team, katutubo sa Bukidnon
MANILA, Philippines — Nangako ng imbestigasyon ang Philippine National Police (PNP) kaugnay ng pagpapaputok sa kampo nina presidential candidate Ka Leody de Guzman at ilang lider Manobo-Pulangiyon — ito habang nagpapaalala sa mga kandidatong magkaroon ng "proper coordination" at maghanda ng body guards.
Martes nang pagbabarilin ang kampanya't protesta nina De Guzman, kanyang mga senatorial candidates at mga katutubo sa Brgy. Butong, Quezon, Bukidnon Province na noo'y naninindigan laban sa "land grabbing" diumano ni Mayor Pablo Lorenzo III. Hawak din nila noon ang ilang dokumento.
"The Philippine National Police is conducting a deeper investigation of an alleged shooting incident during the meeting of presidential candidate Leody De Guzman with a group of Indigenous People in Quezon, Bukidnon," wika ni PBGen. Roderick Augustus Alba, hepe ng PNP Public Information Officer, kahapon.
"Details remain sketchy since lumalabas sa initial investigation na there is no proper coordination sa authorities regarding sa pagpunta sa property na may standing court case. It was unfortunate dahil walang mapagtanungan ang responding PNP units in the area in an attempt to gather vital information for the filing of appropriate charges."
Ayon kay Alba, ang mga impormasyong nakarating sa kanya ay galing sa mga ulat na isinumite ng Police Regional Office 10 sa pamamagitan ni RPIO- PLTC Michelle Olaivar.
Maaga pa rin daw masyado sabihin na "election-related" ang motibo kung bakit sila pinaputukan lalo na't lumilikom pa raw sila ng karagdagang ebidensya. Maganda rin daw sa susunod na magkaroon ng koordinasyon sa PNP upang mabigyan sila ng security assistance sa susunod upang makaiwas sa pangyayari.
Kahapon lang nang sabihin ng Laban ng Masa, grupong pinamumunuan ni vice presidential candidate Walden Bello na running mate ni De Guzman, na Hulyo 1998 pa lang ay ibinigay na sa mga katutubo ang lupain sa bisa ng "ancestral domain."
Ilan sa mga natukoy na sugatan ay sina:
- Nanie Abela (lider magsasaka sa Mindanao)
- Bae Charita Anglao Del Socorro
- Datu Didilusan Arroyo
- Orlando Lingaolingao
- Eger Dabatian
Ang mga nabanggit ay matatandaang isinugod sa ospital at nagpapagaling.
Sa panayam ng ANC, sinabi ni Lorenzo na inaantay niya pa ang detalye sa PNP at hindi alam na naroon sina De Guzman nang mangyari ang insidente. Aminado siyang naging opisyal ng Kiantig Development Corporation na inaakusahan ngayon kaugnay ng nangyari ngunit wala na raw siya roon: "I used to be general manager of that company some years ago but I was already removed. I am not any more connected," wika niya.
Paalala ng PNP sa mga kandidato, hindi ipinagbabawal ang area security sa mga identified high-risk zone lalo na't body guards na walang Certificate of Authority lang daw ang prohibited sa Election Code.
"Nevertheless, the PNP vows to continue with the investigation to find out what really happened at mananagot ang dapat managot," banggit pa ng hepe ng PNP PIO.
'May AFP sa lugar pero hindi rumesponde'
Sa isang press conference kahapon, iginiit ng kampo ni senatorial candidate David D'Angelo ng Partido Lakas ng Masa (PLM), na siyang nag-live stream ng kanilang isinagawang protesta kahapon, na may mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa lugar noong nagkakaputukan — pero wala raw silang ginawa.
"May military doon. Kasi roon sa video [na nilabas ko], noong papunta ako roon sa kanal na malapit, doon ako nagtago, 'yung military po ay dumaan sa harapan ko papunta sa direksyon. Hinabol siya ng mga katutubong nakamotor para hindi umalis," ani D'Angelo.
"Tapos noong tumigil 'yung military doon... habang nagkakaputukan, nakatayo sila roon, hindi kumikilos. Ultimo 'yung sugatan malapit sa kanila ay hindi man lang natulungan... Kung naging 'deterrent' sila, baka, konti, pero siguro ang inasahan ko... sinarbey man lang nila o tinulungan man lang nila 'yung sugatan, wala."
Hinala tuloy ngayon nina De Guzman ay merong "sabtawan" sa pagitan ng National Commission on Indigenous Peoples, local government unit at AFP.
Nakapagtataka nga rin daw sabi ni Ka Leody dahil nangyari ito kahit na "kumpleto" ang hawak na dokumento ng mga katutubo ngunit hindi nagawang ipatupad ang notice to vacate.
Una nang kinunan ng pahayag ng Philstar.com si AFP spokesperson Col. Demy Zagala hinggil sa isyu ngunit sinabing iche-check pa muna nila ang mga detalye sa insidente.
Ka Leody: Tuloy natin ipaglalaban katutubo
Nagpaabot naman ng kanyang pasasalamat si Ka Leody sa lahat ng mga kakampi at nagbato ng suporta sa kanya matapos ang pag-atake, lalo na't katabi niya ang isa sa mga tinamaan ng bala noong mangyari ang insidente.
"Maraming-maraming salamat po sa inyong lahat. Sana samahan niyo ako na ipaglaban ang karapatan ng ating IPs (indigenous peoples) sa ating bansa," wika niya ngayong Miyerkules matapos lumapag sa NAIA Terminal 3.
"Sila 'yung mga pinaka-oppressed na tao dito sa ating bansa... Inaapi gamit ang mga political dynasty, mga milyunaryo at mayayaman na land grabber doon sa Mindanao."
Matatandaang kinundena na ng Malacañang ang nangyari sa pamamagitan ni acting presidential spokesperson Martin Andanar kahapon at sinabing "walang lugar ang karahasan sa anumang sibilisadong lipunan."
Kinastigo na rin ni Comelec chairperson Saidamen Pangarungan ang karahasan at nangakong magbibigay ng additional security detail sa mga presidential at VP candidates basta't i-request nila. Gagawin daw nila ito habang nasa proseso ng imbestigasyon ang pamamaril kina De Guzman.
- Latest