Hiling ng mangingisda: Isyu ng West Philippine Sea, mga problema sa pangingisda pansinin
MANILA, Philippines — Ibinahagi ng ilang mga mangingisda sa Cavite at Zambales ang hirap na kinahaharap ng mga ito dahil sa pagbaba ng kita, pagtaas ng presyo ng krudo at ang hirap sa paghuli ng isda sa West Philippine Sea.
Dahil dito kaya nanawagan ang mga ito na aksyunan ng gobyerno ang mga problemang kinahaharap nila sa overfishing ng Tsina sa dagat ng Pilipinas, at tulungan sila sa pagsasaayos ng mga bangka upang makapaghanapbuhay para sa mga pamilya nila.
Para kay Lydia Lorio, 40 na taon nang mangingisda, bukod sa problema sa mataas na presyo ng langis, dagdag na problema ang ilegal na pangingisda dito at ang pagpasok ng mga malalaking barko ng Tsina sa West Philippine Sea.
“Yun ang… masugpo namin ‘yang mga illegal fishing diyan. Dahil apektado kami. Kami lambat eh. Dahil lahat naman diyan sa mga illegal eh, lahat nahuhuli dahil may lambat sila sa ilalim eh pangkayod ng maliliit na isda. Lahat pati semilya dala,” ayon kay Lorio.
Sinangayunan ito ni Teresa Mondejar na mangingisda naman sa Zambales
“Ngayon po hindi po masyado (ang kita namin) kasi po gawa po ng… ‘yung West Philippine Sea pinag-aagawan. ‘Yung mangingisda po natin dito na pumupunta doon binabawalan po sila.”
Sinabi naman ni Domingo Manarang, 40 na taon nang mangingisda, na kakaunti lamang ang nahuhuli nito at kung minsa’y hindi makapalaot dahil sa taas din ng presyo ng langis. Ayon pa sa kanya, kulang ang kinikita nito para sa pamilya.
Ayon naman kay Rafael Mendoza, 61 taon nang nangingisda, dapat pang palakasin ng gobyerno ang batas para sa proteksyon ng mga mangingisda.
Para matugunan ang mga problemang ito, nais ng Philippine Rural Reconstruction Movement (PRRM) na maitatag ang Department of Fisheries. Ayon kay Edicio de la Torre, presidente ng PRRM, layunin ng kagawaran na ito na pagtuunan ang problema at pangangailangan ng mga mangingisda sa bansa. Kailangan lamang ng pag-apruba ng isang batas para dito.
- Latest