MANILA, Philippines (Updated 3:32 p.m.) — Umulan ng bala sa isang event na nilahukan ng 2022 presidential candidate na si Ka Leody de Guzman, kanyang senatorial candidates at ilang katutubong dumadaing laban sa "pangangamkam ng lupa" sa Mindanao.
Sa Facebook live ni Partido Lakas ng Masa (PLM) Senate bet David D'Angelo, Martes, makikita kung paano nagtakbuhan at nagsigawan ang mga lumahok matapos marinig ang ilang putok ng baril.
"Pinaputukan ang pagtitipon nina Ka Leody, Roy Cabonegro, David D'Angelo, at mga lider ng mga Manobo-Pulangiyon sa Brgy. Butong, Quezon, Bukidnon Province," ayon sa ulat na inilabas ng PLM kanina.
"Inirereklamo ng naturang tribo ang landgrabbing sa kanilang ancestral land. Naiulat na may ilang tinamaan sa insidente, kasama ang lokal na organizer ng mga magsasaka at lider ng mga Manobo-Pulangiyon."
Dalawa ang sinasabing may tama ng bala, kasama na ang organizer ng mga magsasaka't manggagawang-bukid sa Mindanao na si Nanie Abela at isa pang lider katutubo ng mga Manobo-Pulangiyon. Wala pa namang kumpirmadong patay sa ngayon.
Lumilikom pa naman daw ng mga karagdagang detalye ang PLM kaugnay ng naturang pagpapaputok ng baril.
Sa live stream na ito kanina, makikita habang isinusugod sa ospital ang ilang tinamaan sa insidente.
"Nakasakay na po tayo sa sasakyan at dadalhin sa ospital ang isa nating kasamahan na tinamaan," wika ni David D'Angelo sa comments section sa kanyang video.
Iginigiit ngayon ng Laban ng Masa, grupong pulitikal na pinamumunuan ng vice-presidential candidate ni Leody de Guzman na si Walden Bello, na sinasamahan lang sa naturang pagtitipon ang mga katutubong Manobo na nais i-reclaim ang kanyang lupang ninuno mula sa mga "landgrabber."
Kinukuha pa naman ng Philstar.com ang pahayag ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines kung may mga nasagap na silang impormasyon hinggil sa insidente.
Ayon kay Bello, ilang oras bago ang insidente sa protesta ay nakikipag-usap pa sila nina Ka Leody sa mga katutubong Manobo patungkol sa diumano'y pangangamkam ng kanilang lupa ni Quezon, Bukidnon Mayor Pablo Lorenzo III.
"Ka Leody in the line of fire, literally. Here we are [discussing] with Manobo people the theft of their lands by Mayor Lorenzo in Bukidnon," wika ng kandidato sa pagkabise kanina.
"A few hours later, while marching in support of their rights, Leody was nearly hit by gunfire from goons that hit a friend beside him."
Ka Leody in the line of fire, literally. Here we are duscussing with Manobo people the theft of their lands by Mayor Lorenzo in Bukidnon. A few hours later, while marching in support of their rights, Leody was nearly hit by gunfire from goons that hit a friend beside him. pic.twitter.com/L7V76L11Yl
— Walden Bello (@WaldenBello) April 19, 2022
Kinukuha pa ng Philstar.com ang panig ni Lorenzo hinggil sa insidente ngunit hindi pa tumutugon hanggang ngayon.
Ka Leody: 'Ligtas kami, pero tinamaan katabi ko'
Nagpasalamat naman si Ka Leody sa mga nag-alala sa kanilang grupo, habang tinitiyak ang kanilang kaligtasan.
"Salamat sa mga nag-alala. Ako po at sila kasamang Roy Cabonegro at David D'angelo ay ligtas," wika niya sa isang tweet kanina.
"Ang tinamaan ay ang nasa tabi ko, si Nanie Abela, na organizer ng mga magsasaka sa Mindanao. Casualty rin ang isang lider ng tribong Manobo-Pulangiyon."
Salamat sa mga nag-alala. Ako po at sila kasamang Roy Cabonegro at David D'angelo ay ligtas.
— Ka Leody de Guzman (@LeodyManggagawa) April 19, 2022
Ang tinamaan ay ang nasa tabi ko, si Nanie Abela, na organizer ng mga magsasaka sa Mindanao. Casualty rin ang isang lider ng tribong Manobo-Pulangiyon.
Nananawagan naman ngayon si De Guzman ng kapayapaan sa Mindanao kasabay ng paggalang sa karapatan ng mga indigenous peoples at Bangsamoro.
Alam naman daw nilang mayayaman at makapangyarihan ang kanilang binabangga sa naturang laban ngunit nakalulungkot daw na kinakailangan silang direktang makaranas ng pandarahas: "Walang halaga sa kanila ang buhay nating mga maliliit," banggit pa ng lider-manggagawa na naging kandidato sa pagkapangulo.
"Sana ay ligtas ang mga tinamaan ng bala sa pag-atake sa ating aktibidad kanina. Tuloy ang laban!"
Antabayanan ang mga karagdagang detalye sa balitang ito