MANILA, Philippines — Hindi bibitaw sa pangangampanya para sa pagkapangulo si Bise Presidente Leni Robredo matapos pagkaisahan ng kampo ng mga katunggaling sina Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso, Sen. Panfilo Lacson, Sen. Manny Pacquiao at Norberto Gonzales sa isang joint press briefing.
Linggo nang manawagan sina Domagoso na dapat nang umatras sa presidential race si Robredo habang itinutulak ni Gonzales ang "bagong top two" na karapat-dapat daw humamon sa survey frontrunner na si Ferdinand "Bongbong" Marcos.
Related Stories
"Mula bukas, 20 campaign days nalang natitira. Kailangan wag tayong magpatalo sa emosyon. Huwag nang magbitaw ng masasakit na salita," wika ni Robredo sa isang paskil sa Facebook, Linggo ng gabi.
"Focus lang muna tayo sa kampanya — tao sa tao, puso sa puso. May bayan tayong kailangan ipaglaban."
Una nang sinabi ng kampo nina Lacson, Moreno at Gonzales na "maraming beses" na silang nilapitan ng mga galing sa "kampo ni VP Leni" na umatras sa kanya-kanyang kandidatura para suportahan ang bise.
Sa kabila nito, itinanggi na ito nina Robredo noong nakaraang linggo pa.
"Alam kong maraming nasabi na ngayong araw. Ang iba nainis, ang iba walang pakialam, at ang iba nagalit. Nagpapasalamat ako sa lahat na dumipensa," dagdag pa ni Robredo, na kasalukuyang umaangat bilang nasa ikalawang posisyon sa huling pre-election survey ng Pulse Asia.
Ikinasa nina Domagoso, Lacson, Pacquiao at Gonzales ang sabayang press conference matapos kumalas sa kanila ang ilang grupong dati nilang supporters patungo sa kampo ni Robredo.
Marso lang nang magbitiw si Lacson mula sa dati niyang partidong Partido Reporma matapos ilipat ng grupo ang kanilang pag-endorso kay Robredo. Ngayong buwan naman nang ibato naman ng Ikaw Muna (IM) Pilipinas — na dating nasa likod ni Domagoso — kay Robredo ang kanilang suporta kung kaya't ngayo'y tinatawag nang IM Leni.
"They’re trying to strip us of our supporters, ‘yung mga support groups. Ang nangyari sakin ‘yung Reporma na-hijack and yung kay Mayor Isko, ‘yung Ikaw Muna sa Cebu, ganoon din. Marami talagang attempts and parang nili-limit talaga ‘yung choices sa dalawa," wika ni Lacson kahapon.
Inilinaw nina Domagoso, Lacson, Gonzales at Pacquiao (na hindi nakaabot sa press conference) na magpapatuloy sila sa pagtakbo sa pagkapangulo at hindi rin aatras sa presidential race para paboran ang kandidatura ni Robredo.