MANILA, Philippines — Apat hanggang limang na presidential candidates ang nakatakdang magsagawa ngayong araw ng joint press conference, gayunman wala pang linaw kung ano ang kanilang agenda o pag-uusapan.
Sa media advisory na ipinadala sa mga miyembro ng media, sinasabing kabilang sa dadalo sa press conference si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa ganap na alas-11 ng tanghali sa Rigodon Ballroom ng Manila Peninsula Hotel.
Kinumpirma rin naman ni presidential candidate Sen. Panfilo Lacson na magiging bahagi siya sa joint press conference.
Maging si Senate President Vicente Sotto III ay nagkumpirma na magiging present sa naturang meeting.
“I’m not aware of the purpose (of the joint press conference). I was just invited by Sen Ping (Lacson),” pahayag ni Sotto sa Senate reporters.
Idinagdag pa nito na limang presidential candidate ang dadalo sa joint presscon at kasama sa inimbita ang kanilang running mates. Ito lamang umano ang kanyang nalalaman.
Samantala, umuugong din naman na dadalo sa joint presscon sina Senator Manny Pacquiao at Leody De Guzman.
Wala namang ibinigay na pahayag pa ang kampo ni Vice-president Leni Robredo patungkol sa isasagawang joint press con.
Si Robredo na nasa Bicol ay walang naka -schedule na public activities ngayong araw.
Dahil dito, may mga ilang naniniwala na baka ito na ang simula ng unification talk sa pagitan ng ilang presidentiables para sa sanib-puwersa.
Pero may ilan naman na nagsabing mukhang malabo itong mangyari dahil sa ang bawat isa ay walang plano na iatras ang kanilang kandidatura.