MANILA, Philippines — Nangako si Pangulong Rodrigo Duterte na bibigyan ng bagong bahay ang daan-daang pamilya na nasira ang tahanan dahil sa bagong Agaton.
Sinabi ng Pangulo na hahanap ang gobyerno ng patag na lupa para maging relokasyon ng mga pamilyang nawalan ng bahay dahil sa landslide.
Pero aminado si Duterte na magiging mahaba ang proseso maliban na lamang kung magkaroon ng milagro.
“So to all of you who lost their houses in the typhoon, you will be given a new house. But it would be a long, long process and not an easy one unless there’s a miracle. But government will help you resettle first,” ani Duterte nang bumisita sa Baybay City, Leyte.
Anya, wala na halos lupang natitira dahil may mayroon nang may-ari sa mga ito. Kung walang makukuhang lupa ay gagamitin ng gobyerno ang kapangyarihan ng “eminent domain.”
Maaaring bilhin ng gobyerno mula sa mga pribadong may-ari ng lupa ang isang property upang magamit sa isang proyekto.
“If there are flatlands here that’s not too near the coastline but the owner refuses to share, then the government will take that property and pay the owner. And that’s a long process, actually,” dagdag ni Duterte.
Napaulat na nasa 167 katao ang namatay nang manalasa ang bagyong Agaton.
Kabilang sa mga nasawi ang nasa 26 katao mula sa Pilar Village sa bayan ng Abuyog bukod pa sa 150 na nawawala nang magkaroon ng landslide.
Nasa 36 naman ang naitalang nasawi sa landslide sa Baybay.