5 government officials ‘protektor’ ng agri smugglers
MANILA, PHILIPPINES — Limang opisyal umano ng gobyerno ang hinihinalang protektor ng mahigit ?sa 20 “smugglers” ng mga produktorng agrikultural.
Ito ang binunyag ni National Intelligence Coordinating Agency (NICA) Director Edsel Batalla sa pagdinig ng Senate Committee of the Whole.
Hindi muna binanggit ang pangalan ng mga opisyal subalit kasama umano sa hinihinalang smugglers ang binanggit ni Senate President Vicente Sotto III na isang Manuel Tan, na nag-ooperate sa Subic, Cagayan de Oro at Batangas; isang Andrew Chang, na nag-ooperate sa Subic, Manila International Container Port (MICP), Port of Manila (POM) at Batangas; Luz/Lea Cruz na tinaguriang “onion queen” na nag-ooperate sa Subic, MICP at CDO at isang Jun Diamante na smuggler umano ng agri-fisheries products sa CDO.
Sa gitna ng pagdinig, tinanong ni Sen. Koko Pimentel si Batalla kung kailan pa nila hawak ang listahan at gaano katagal ang kanilang validation.
Tugon ni Batalla, kamakailan lang nila nakuha ang mga impormasyon mula sa Special Task Group on Economic Intelligence at limitado lamang ang kanilang impormasyon na nakukuha kaya kailangan nilang magsagawa ng puspusang imbestigasyon.
Giit naman ni Sen. Ping Lacson kay Batalla, na magkaroon ng sense of urgency o madaliin ang validation at paghahabla dahil sangkot dito ang seguridad ng pagkain ng bansa na kasing halaga rin ng seguridad ng bansa at ng ekonomiya.
Susog ni Sotto, dapat madaliin ang imbestigasyon para makasuhan ang mga protektor dahil baka maiboto pa sila.
- Latest