MANILA, Philippines — Positibo ang naging pagtanggap ng kampo nina 2022 presidential candidate at Bise Presidente Leni Robredo sa pag-endorso sa kanila ng iba pang nasa liderato ng Ikaw Muna (IM) Pilipinas, na dating sumusuporta sa kandidatura ng katunggaling si Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso.
Martes lang kasi nang ilipat nina Tim Orbos at Elmer Argaño, convenor at secretary-general ng IM Pilipinas, ang kanilang pagsuporta sa ikalawang pangulo. Aniya, ito ang resulta ng kanilang panawagan sa presidential candidates na magkaisa para hamunin ang survey frontrunner na si Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr.
Related Stories
"Nagpapasalamat kami sa tiwala at suporta ng IM Leni. Sang-ayon kami sa kanilang panawagan para sa pagkakaisa; at malaking karangalan na pinili nilang makiisa sa laban ni VP Leni," ani Barry Gutierrez, tagapagsalita ni Robredo, kanina.
"Sabi nga ni VP Leni, ang ating lakas ay galing sa ating pagsasama sa ngalan ng pag-asa."
Una nang minaliit ni Domagoso ang mga ulat ng paglipat ng IM Pilipinas Visayas chapter — na pinangungunahan ni Nick Malazarte — patungo sa kampo nina Robredo. Ika-11 naman ng Abril nang mag-defect din ang Zamboanga chapter nito kina Robredo at vice presidential candidate Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.
Matatandaang sinabi ng mga grupong naging parte ng kanilang desisyon ang pagiging far third-place ni Domagoso sa Pulse Asia survey.
Naniniwala din daw sina VP Leni na ang pinagkakaisahang pag-asa, anuman ang pulitikal na kulay, ang magdadala ng tagumpay sa mga Pilipino sa susunod na anim na taon.
"We trust that in the remaining 27 days, even more will join the people's campaign, united by their dreams, and hopes, for a better Philippines," panapos ni Gutierrez.
'Nasa mainam na posisyon manalo'
Ipinaliwanag kanina nina Orbos kung bakit sila nag-shift ng IM Pilipinas — na ni-rebrand bilang IM Leni — ang naging desisyon ng kanilang volunteer group matapos ang bigong unification talks.
"From our call for unity, we now shift to a call for unity for Vice President Leni Robredo in her campaign to be our president this 2022... Except for the camps of Leody de Guzman and Vice President Robredo herself, all other candidates have rejected the call of unification," ani Orbos sa isang press conference sa Lungsod ng Quezon.
"The Vice President is consistently the second place in the past months and has been on a steady rise with the biggest increase as shown in the latest survey... She is now in the best position to win this for us."
Maliban sa magandang survey standing, papalaki nang papalaki ang bilang ng mga dumadalo sa campaign rally ni Robredo. Sabado lang nang umabot sa halos 220,000 ang dumalo sa kanyang rally sa San Fernando City, Pampanga.
Isko: Sana pagkatiwalaan sila nina Robredo
Ipinagkibit-balikat naman ng kampo nina Mayor Isko ang development na ito, at sinabing "wala" itong magiging epekto sa kanya.
"Nothing. Sabi ko sa'yo, dati silang wala sa buhay ko," banggit niya ngayong araw.
"I wish them goodluck. I hope the other group [Robredo] will trust them."
"DATI SILANG WALA SA BUHAY KO"
— News5 (@News5PH) April 12, 2022
Walang epekto kay presidential candidate Manila Mayor Isko Moreno ang "Big Switch" ng Ikaw Muna (IM) Pilipinas mula kay Moreno patungo sa katunggali niyang si Vice Pres. Leni Robredo. | via @JCCosico #BilangPilipino2022 pic.twitter.com/r4dbKbnYPO
Kahit na tumalon sa kabilang bakod, tanging papuri lang naman ang ibinigay nila sa alkalde ng Maynila. Aniya, nasa kanya pa rin ang mga katangiang hinahanap nila sa isang pinuno. Gayunpaman, sadyang iba ang hinihingi raw ng panahon.
"In a different time, different place–he could have been a good leader and he is a good leader. And I believe that the future is open for him... but times are different right now," patuloy ni Orbos.
Sinasabing merong 20,000 aktibong miyembro ang IM Pilipinas maliban pa sa hanggang 300,000 volunteer mula sa 30 provincial chapters. — James Relativo at may mga ulat mula kina Xave Gregorio, Kaycee Valmonte at News5