MANILA, Philippines — Kinastigo ng kampo ni 2022 presidential candidate at Bise Presidente Leni Robredo ang diumano'y kumakalat na online links patungkol sa "mahahalay" na video diumano ng anak niyang si Aika — bagay na wala raw katotohanan.
Lunes lang nang kumalat ang naturang mga ulat. Sa kabila nito, walang laman ang mga naturang link na lumalabas sa Google.
Related Stories
"Links to an alleged sex video are circulating around the twitterverse. This is a malicious fabrication and we have reported it to the platforms concerned para matake-down," ayon kay Barry Gutierrez, tagapagsalita ng bise kanina.
"Our lawyers are studying our options for legal action."
Wika pa ni Gutierrez, dapat tignan ang naturang isyu bilang nasuklan-suklam at "kadiring" distraction ngayong lumalakas ang momentum ng kanilang kampo.
Kamakailan lang kasi nang tumaas si Robredo sa surveys, habang umabot naman sa 220,000 ang bilang ng mga dumalo sa campaign rally nila sa Pampanga nitong weekend.
"Ang mas malalim na goal ng ganitong tactic, ‘yung manggigil tayo at magwala sa social media. Para awayin natin ang mga tao at hindi tayo maka-convert," banggit pa ni Gutierrez.
"Kaya nga ang tamang response dito: Hold the line tayo para sa pag-ibig. Be firm but kind sa pagtatama ng disinformation, kahit gaano ito kawalanghiya."
Umaasa naman ang kanilang kampo na mapapanagot ang nagkakalat ng mga nasabing tsismis lalo na't malinaw itong krimen.
Sa ilalim ng Republic Act No. 9995 o Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009, maaaring makulong ng hanggang pitong taon at pagmultahin ng hanggang P500,000 ang mga nagkakalat ng nude photos at videos nang walang pahintulot.
Kasalukuyang no. 1 trending sa Philippine Twitter ang #ProtecttheRobredos habang sinusulat ang balitang ito.
'Katotohanan vs fake news'
Ayon naman kay Robredo, hindi sila magpapatalo sa naturang isyu at tuloy-tuloy lang na magtratrabaho sa gitna ng kontrobersiya.
"Best antidote to fake news is the TRUTH. Let us not lose focus," ayon sa kanya ngayong hapon.
"This was how I survived the last 6 years."
Best antidote to fake news is the TRUTH. Let us not lose focus. Tuloy tuloy lang ang paggawa ng kabutihan. This was how I survived the last 6 years.
— Leni Robredo (@lenirobredo) April 11, 2022
Binanatan din ng senatorial candidate na si Chel Diokno ang mga naglipanang kabastusan laban kay Aika, na siyang sinyales lang daw na "desperado" na ang kanilang mga kaaway.
Sa kabila nito, walang binanggit si Diokno kung sino ang kanilang pinaghihinalaang nagpapakalat nito.
"Alam nating desperado na sila dahil sa paglakas ni VP, but it takes a special kind of evil to resort to misogynistic attacks against the kids," wika ng lawyer turned senatoriable.
"Ito ba ang uri ng pulitika na gusto natin para sa ating mga anak?"
Marso lang nang sabihin ni VP Leni na nakakatanggap ng pambabastos ang kanyang mga anak, na panay mga babae gaya na lang nina Aika, Tricia at Jillian.
Pebrero lang nang lumabas ang mga datos na si Robredo ang pinakamadalas targetin ng disinformation bago ang eleksyon. — may mga ulat mula kay Xave Gregorio