MANILA, Philippines — Apat na lugar sa bansa ang isinailalim ng PAGASA sa Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 2 kahapon matapos na tuluyan nang mag-landfall ang Tropical Storm “Agaton” sa Eastern Samar.
Batay sa 11:00AM weather bulletin ng PAGASA, Signal No. 2 ang southern portion ng Eastern Samar, Southern Samar, northeastern portion ng Leyte at northern portion ng Dinagat Islands.
Samantala, Signal No. 1 sa natitira pang bahagi ng Eastern Samar, natitira pang bahagi ng Samar, Northern Samar, Biliran, natitira pang bahagi ng Leyte, Southern Leyte, northeastern portion ng Cebu kabilang ang Camotes Islands, Surigao del Norte, at natitira pang bahagi ng Dinagat Islands.
Napanatili ni Agaton ang kanyang lakas matapos mag-landfall sa Calicoan Island sa Guiuan dakong 7:30 ng umaga kahapon.
Ayon sa PAGASA, patuloy nilang minomonitor ang isa pang Tropical Storm na si “Malakas” na tinatayang nasa 1,570 km silangan ng Mindanao. Mayroon itong lakas ng hangin na 85 kph at pagbugso na 105 kph.
Maaaring makapasok sa Philippine area of responsibility (PAR) si Malakas ngayong hapon hanggang bukas ng umaga. — Doris Franche