Duterte, Xi Jinping nagkasundo sa isyu ng West Philippine Sea
MANILA, Philippines — Nagkasundo sina Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jinping na gawin ang lahat upang mapanatili ang kapayapaan, seguridad at katatagan sa West Philippine Sea sa pamamagitan nang pag-iwas sa tensiyon.
Sa isang oras na summit ng dalawang lider sa pamamagitan ng telepono, bukod sa isyu ng WPS pinag-usapan ng Pangulo at Xi ang nangyayaring gulo sa Europe at COVID-19 pandemic.
Nagkaroon ng kasunduan ang dalawa na panatilihin ang regional peace, progress at prosperity para sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
Pareho silang sumang-ayon na mahalaga ang pag-uusap at pagkakaroon ng “Code of Conduct on the South China Sea.”
Kapwa nanawagan ang dalawang lider na dapat magkaroon ng mapayapang resolusyon sa pamamagitan ng dayalogo na naaayon sa international law sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Kapwa titingnan ng dalawang lider ang mga maaari pang magawa para mabawasan ang masamang dulot ng climate change.
Nagkasundo rin sina Duterte at Xi na mahalagang maging available ang bakuna laban sa COVID-19 sa lahat ng bansa dahil mahalaga ito para sa muling pagbangon ng ekonomiya sa rehiyon at sa mundo.
Ang pag-uusap sa telepono ng dalawang lider ay nagbigay daan din para i-review ang kaugnayan ng dalawang bansa sa nakalipas na anim na taon.
Kinilala rin ng dalawang lider ang pangangailangan na pag-ibayuhin pa ang bilateral trade at economic exchange.
- Latest