MANILA, Philippines — “Nag-plateau.”
Ito ang salitang ginamit ni Dr. Guido David, isang eksperto mula sa OCTA Research sa paglalarawan sa bilang ng COVID-19 na naitatala araw-araw sa Pilipinas.
Ayon kay David, napansin niya na nagkaroon ng “plateau” sa bilang ng mga bagong kaso na bagaman at hindi tumataas ay hindi rin naman bumababa.
Ang 7-araw na average aniya ng bagong kaso ay napako sa 342.
Pero ipinaalala pa rin ni David sa publiko na mag-ingat dahil mayroon pa ring virus kaya mahalagang panatilihin ang minimum health standards at kung maaari ay magpaturok na ng booster shots.
Ipinaalala rin ni David na sa paglipas ng araw ay bumababa ang immunity at level ng antibodies sa katawan na posibleng maging dahilan nang hawahan o pagdami ng kaso.
“Kailangan pa rin nag-iingat, kailangan pa rin nagpapabakuna at nagpapa-booster shots. ’Yung mga kababayan natin kasi ang alam natin ay humihina ’yung ating immunity.
After some time bumababa ’yung level ng antibodies sa mga ibang tao kaya para maprevent ’yung pagdami ng kaso lalo na kung may makapasok dito na isa sa mga subvariants o ’yung tinatawag nila na mga recombinant tulad ng XE na nakita na sa Thailand, para hindi magkaroon ng pagdami ng kaso ng mga ganoon dito mas maganda na protektado tayo,” dagdag ni David.
Nagbabala rin si David na posibleng magkaroon nang pagtaas sa bilang ng kaso pagkatapos ng eleksiyon.