Fact check: Pekeng 'Ka Leody supporter' pages naglipana para banatan Robredo, Kakampinks

Screenshot ng isang paskil ng Facebook page na nagpapakilalang supporter ni 2022 presidential candidate Ka Leody de Guzman, habang binabanatan ang supporters ng kapwa kandidatong si Bise Presidente Leni Robredo
Mula sa Twitter account ng Laban ng Masa

MANILA, Philippines — Hindi totoong hawak ng supporters o kampo nina 2022 presidential candidate Leody de Guzman ang Facebook pages na nagpapakalat ngayon ng propaganda laban kina presidential bet na si Bise Presidente Leni Robredo at kanyang mga tagasunod.

CLAIM: Miyerkules nang magpaskil ng video ang FB page na pinangalanang "Ka Lodi Sakalam Supporters," kung saan sinasabing "minamanipula" at "bine-brain wash" diumano ng ilang nagkakampanya ang taumbayan para iboto si Robredo.

Narito ang caption ng video:

Panoorin niyo ang videong ito dahil ganito manipulahin at i-brainwash ng mga PINKLAWAN ang mga tao para lamang iboto nila si Leni Robredo. Kahit na manira sila ng ibang kandidato para lamang makakuha ng maraming boto ay gagawin nila. Isa itong maruming paraan ng partidong dilawan. Nakakahiya naman. Ganito na talaga sila ka-desperado.

Ni-reshare din ito ng ibang FB pages gaya na lang ng "Ka Leody - Visayas Support," "Ka Leody Supporters 2022," "Ka Leody Support - BICOL" at "Ka Leodycakes Natin Support."

Ang mga nabanggit na pages ay nagpapaskil din ng panre-red tag laban kina Robredo, kahit na aktibista at bahagi ng Kaliwa sina De Guzman at kanyang running mate na si Walden Bello. 

RATING: Ito'y false.

KATOTOHANAN: 

Mga detalyeng dapat malaman

Huwebes nang magsalita ang grupong Laban ng Masa, isang koalisyong pinamumunuan ni Bello, na nagpapanggap ang mga naturang social media pages bilang tagasuporta nila ni Leody.

"These pages are clearly being operated by online troll armies as they have been posting misleading fake news articles all at the same time. Help us in reporting these pages and prevent further spread of misinformation," ayon sa Laban ng Masa kanina.

"Our coalition condemns the use of Ka Leody De Guzman's name and untarnished reputation to the detriment of other candidates. We do not tolerate fake news and misinformation peddling. This identity theft has been done before and will not be left unanswered."

Importanteng konteksto

Hindi ito ang unang beses na nagamit ang pangalan ni Ka Leody sa internet para sa kapakinabangan ng iba.

Pebrero nang mabistong nagre-redirect sa opisyal na website ni 2022 presidential candidate Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang website na "kaleody.com." Ang naturang website ay nagre-redirect na ngayon sa opisyal na site ni De Guzman na "https://kaleody.org/."

Ang mga kinukwestyong FB pages ay nagpapaskil ng red-tagging ng ibang kandidato sa pagkapresidente kahit matagal nang tutol sa red-tagging sina De Guzman, na ilang beses na ring nagiging biktima nito bilang progresibo. Una nang sinabi ni Leody na rebolusyonaryo at hindi mga terorista ang CPP-NPA, kahit na "iwinawaksi" nila ang rebolusyonaryong dahas.

Madalas din mag-post ang mga nabanggit na fake pages ng pagbatikos sa Robredo supporters dahil sa "negative campaigning" laban kina Bongbong, kahit na lantarang anti-Marcos sina Leody at Walden tuwing nangangampanya at sa mga debate.

Bilang parehong kritiko nina Pangulong Rodrigo Durterte, diktadura ni dating Pangulong Ferdinand Marcos at nina Bongbong, maraming pagkakataon kung saan nagkakaisa ang kampo nina Ka Leody, Robredo at mga Kakampinks.

Bakit 'to mahalaga?

Lumilikha ang mga ganitong bogus na social media pages ng maling impresyon sa mga kandidato at kanilang mga tunay na suporter.

Ang mga ganitong maniobra ay magkakaroon ng negatibong epekto sa halalan kung hindi mapipigilan at hahayaang kumalat.

Labag din sa Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012 at may parusang "prision mayor: (kulong na hanggang 12 taon) o multang hindi bababa sa P200,000 ang mga mapatutunayang nagsasagawa ng "Computer-related Identity Theft." — Reviewed by Franco Luna

--

This story is part of the Philippine Fact-check Incubator, an Internews initiative to build the fact-checking capacity of news organizations in the Philippines and encourage participation in global fact-checking efforts.

Philstar.com is also a founding partner of Tsek.ph, a collaborative fact-checking project for the 2022 Philippines’ elections. It is an initiative of academe, civil society groups and media to counter disinformation and provide the public with verified information.

Want to know more about our fact-checking initiative? Check our FAQs here.

Have a claim you want fact-checked? Reach out to us at factcheck@philstar.com

Show comments