MANILA, Philippines — Ilang araw bago ang Semana Santa, handang-handa na ang Philippine National Police (PNP) para sa pagbibigay ng seguridad ng mga biyahero at namamanata.
Sinabi ni PNP Chief PGen. Dionardo Carlos na inatasan na niya ang kanyang kapulisan na tutukan ang public safety at law enforcement operations simula sa Abril 10-17.
Paalala ni Carlos sa mga police commanders na siguraduhin ang police visibility sa mga lugar na tradisyunal na dinudumog ng mga tao sa panahong ito.
Partikular ang mga istasyon ng bus, paliparan, pier at iba pang transport hubs, kung saan ipinag-utos ng PNP Chief ang paglalagay ng mga Police Assistance Centers (PAC) para umalalay sa mga tao.
Inatasan din ni Carlos ang PNP Highway Patrol Group (HPG) na pangunahan ang paglalagay ng mga PAC sa tulong ng mga lokal na pulis, sa kahabaan ng Maharlika Highway at Phil. Nautical Highway para matiyak ang “road safety”.
Dagdag pa ni Carlos, kasabay ng pag-alalay sa mga biyahero, sisiguraduhin din ng PNP na nasusunod ang minimum public health standards depende sa antas ng alerto ng mga lugar na patutunguhan ng mga bibiyahe ngayong Semana Santa.