MANILA, Philippines — Plano ni Sorsogon Gov. Chiz Escudero na gumawa ng mga sementeryong bukas sa lahat ng klase ng pananampalataya o interfaith cemeteries sa buong bansa na nais niyang gawing permanente sa pamamagitan ng isang batas na kanyang isusulong kapag nanalo siya para sa Senado sa halalan sa Mayo.
Ayon kay Escudero, ang ideya sa likod ng kanyang plano ay ang mapagbuklod ang lahat ng tao anuman ang kanilang relihiyon sa ilalim ng iisang bubong sa lahat ng probinsiya at munisipalidad sa buong bansa nang sa gayon ay mailibing nila ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay sang-ayon sa kani-kanilang mga paniniwala at tradisyon.
May dalawa ng nasabing sementeryo sa mga bayan ng Pilar at Casiguran sa probinsiyang pinamamahalaan ni Escudero.
Binigyang-diin ni Escudero, na isang beteranong mambabatas, ang pangangailangan para sa pagkakaroon ng interfaith cemeteries lalo na para sa mga katutubo at komunidad ng Muslim na mahigpit na sinusunod ang kanilang malalim na tradisyon at mga kaugalian at mga paniniwalang pangrelihiyon.