MANILA, Philippines — Inamin ni Pangulong Rodrigo Duterte na nasa lima hanggang anim na miyembro ng kanyang Gabinete ang sinibak niya sa puwesto dahil sa korapsiyon.
Pero ayaw pangalanan ni Duterte ang mga pinatalsik sa puwesto dahil masakit din aniya sa mga nasibak ang nangyari.
Sinabi rin niya na korapsiyon ang sumisira sa sistema at matagal na niyang tinanggal sa puwesto ang mga hindi pinangalanang mga opisyal.
Samantala, inihayag din ni Duterte na wala na siyang itatalaga sa gobyerno hanggang Hunyo o hanggang matapos ang termino.
Hindi na niya aaprubahan ang anumang appointment at wala na ring aaprubahan na anumang malalaking proyekto.
Sa nalalapit na pagtatapos ng kanyang termino, marami ang nagtutungo sa Davao at humihirit na aaprubahan ang appointment at big projects.
Pero ayon sa Pangulo, ayaw na niyang aprubahan ang mga ito.
Hindi tinukoy ni Duterte kung sinong mga personalidad ang humihirit sa kanya ng mga proyekto.