755K patay, inalis sa voters list
MANILA, Philippines — Tinanggal na ng Commission on Elections (Comelec) sa voters list ang 755,769 botante na pumanaw na kabilang ang mga nasawi dahil sa COVID-19, bilang pagtiyak na hindi makakaboto ang mga patay sa darating na halalan sa Mayo 9.
Sinabi rin ni Commissioner George Garcia na inalis din ang 7,229,493 mga botante na bigong makaboto sa nakalipas na dalawang magkasunod na eleksyon.
Gayundin ang 2,718 botanteng idineklarang may problema sa pag-iisip at walang kakayahang makapagdesisyon.
Aabot naman sa 3,993 ang excluded sa pagboto base sa utos ng korte habang 536 ay nabigyan ng pinal na sentensiya ng hukuman na makulong na hindi bababa ng isang taon.
Binura rin ang 1,490,678 registration records ng mga lumipat na sa ibang lungsod o municipality, at 892,627 pa ang nakitang may double registration.
Inaasahan naman umano na madaragdagan pa ang bilang bago sumapit ang halalan dahil sa patuloy nilang paglilinis ng kanilang records.
Sa datos ng Comelec, mayroong 65.8 milyong kuwalipikadong botante para sa halalan sa Mayo 9. Nasa 6,950,449 sa kanila ay mga bagong botante.
- Latest