MANILA, Philippines — Nasa 65.25 milyong Pinoy pa lamang ang fully vaccinated. Target ng pamahalaan na mabakunahan ang 70% ng mga Pinoy pero hanggang ngayon wala pa sa kalahati ng populasyon ang nababakunahan.
Marami pa ang hindi nakakatikim ng first dose at may naghihintay para sa second dose. Ang mga naturukan ng booster shots ay 13% pa lamang.
Habang marami pa ang hindi nababakunahan, pinag-aaralan na ng Department of Health (DOH) kung bibigyan na ng second booster shots ang frontliners, senior citizens at mga may comorbidities. Ayon sa report, posibleng magbigay ng second booster sa Abril.
Mula nang magluwag sa restrictions noong Pebrero, bumaba ang bilang ng mga nagpapabakuna. Kahit nagkaroon ng tatlong araw na national vaccination day noong Marso 3-5, mababa ang bilang ng mga nagpapabakuna.
Sinabi ng health experts na hindi dapat magrelaks ang mamamayan sapagkat nasa paligid pa ang virus kaya nararapat na magpabakuna. Ang pagluluwag ay hindi ibig sabihin na huwag na ring magpabakuna sapagkat wala nang virus.
Hindi pa nawawala ang virus. Katunayan, maraming bansa ngayon ang nagkakaroon ng surge ng COVID-19.
Sa Shanghai, China, naka-lockdown doon dahil sa pagdami ng kaso. Mas marami pa ang kaso ngayon kaysa noong 2020 na unang kumalat ang virus. Nag-panic buying ang mga tao roon dahil sa biglang pagaanunsiyo ng lockdown.
Nakakaalarma naman ang sinabi ng DOH na maraming COVID vaccine ang mae-expire sa Hunyo. Nararapat kumilos ang pamahalaan para hindi masayang ang mga bakuna. Inutang ang pambili ng mga ito at pagkatapos ay masasayang lang.
Magkaroon muli ng ilang araw na national vaccination day para naman hindi masayang ang bakuna. Hikayatin ang mga tao na magpabakuna.
Bawat patak ng bakuna ay mahalaga kaya hindi dapat masayang nang basta-basta. Dalhin sa mga lugar na marami pang hindi nababakunahan upang hindi mawalan ng halaga. Ayon sa report, marami pa sa probinsiya sa Bangsamoro region at iba pang liblib na lugar sa Visayas ang hindi pa nababakunahan.
Bagong number scheme pinag-aaralan ng MMDA
Pinag-aaralan na ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang posibilidad na ibalik ang odd-even scheme na inaasahang lalong magpapababa sa volume ng traffic sa Metro Manila hanggang sa 50%.
Kabilang pa rin sa plano ng MMDA ay ang pagpapairal ng dalawa pang number coding scheme para sa National Capital Region (NCR).
Paliwanag ni MMDA Chairman Romando Artes, ang pre-pandemic at kasalukuyang number coding scheme sa mga sasakyang may plate number na nagtatapos sa 1 at 2 ay ipinagbabawal sa Lunes, 3 at 4 sa Martes, 5 at 6 sa Miyerkules, 7 at 8 sa Huwebes at 9 at 0 sa Biyernes, ay bumabawas lang ng 20% sa volume ng sasakyan.
Ngunit sa dalawang bagong number coding scheme, sinabi ni Artes na babawasan nila ang bilang ng mga sasakyan ng 50% at 40%.
Sa ilalim ng unang bagong number coding scheme o ang odd-even scheme na ipinrisinta ni Artes kay Pangulong Rodrigo Duterte, ang mga sasakyan na may plakang nagtatapos 1,3,5,7 at 9 ay 'di pinapayagang magbiyahe sa Metro Manila tuwing Lunes at Huwebes habang ang nagtatapos sa even numbers 2,4,6,8 at O ay hindi naman maaring magbiyahe kung Martes at Biyernes. Wala namang number coding scheme tuwing Miyerkules.
Gayunman, ang dalawang schemes ay ipatutupad lamang sa tuwing rush hours mula alas 7:00 ng umaga hanggang alas 10:00 ng umaga at mula alas 5:00 ng hapon hanggang alas 8:00 ng gabi. - Ludy Bermudo
Libreng sakay sa MRT, posibleng mapalawig
Magandang balita para sa mga commuters.
Posible umanong mapalawig pa ang implementasyon ng libreng sakay na ipinagkakaloob ngayon ng Department of Transportation (DOTr) at Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) sa kanilang mga pasahero.
Ayon kay MRT-3 OIC general manager Mike Capati, pinag-aaralan na ng DOTr at ng MRT-3 management kung magpapatupad sila ng ekstensiyon sa libreng sakay na sinimulang ipatupad noong Marso 28 at nakatakdang magtapos sa Abril 30, alinsunod na rin sa kautusan ni Pang. Rodrigo Duterte at Transportation Secretary Arthur Tugade.
Una nang iniulat ng MRT3 na naging matagumpay ang unang araw ng pagpapatupad nila ng libreng sakay matapos na mapagserbisyuhan ang kabuuang 281,507 pasahero noong Lunes.
Sinabi ni Capati na inaasahan nilang posibleng umabot ng mula 300,000 hanggang 400,000 ang mga pasahero kada araw ng MRT-3 habang umiiral ang kanilang libreng sakay.
Plano rin aniya ng MRT-3 na pagsapit ng taong 2023, ililipat na ang configuration ng four-car trains at alisin na ang mga three-car trains upang mas marami pa silang pasaherong maisakay.
Ang MRT-3 ay bumabaybay sa kahabaan ng EDSA mula North Avenue, Quezon City hanggang sa Taft Avenue, Quezon City. - Mer Layson