MANILA, Philippines — Umaasa ang kampo ni presidential candidate at Bise Presidente Leni Robredo na marami pang ibang partido't personalidad ang lilipat papunta sa kanilang sa mga nalalabing araw bago ang eleksyong Mayo 2022.
Huwebes lang nang suportahan ng Partido Reporma — dating partido ni presidential candidate Sen. Panfilo Lacson — ang kandidatura ni Robredo. Sabado nang iendorso ng National Unity Party (NUP) president si VP Leni kahit una na nang sinuportahan ng partido si Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr.
Related Stories
"Eh, 42 days pa. Marami pang pwedeng mangyari," ani Barry Gutierrez, tagapagsalita ni Robredo nitong Lunes.
"Kung may isa, mayroon nang dalawa, mayroon nang tatlong nauna, sigurado may mga susunod [pang defections]."
Ang lahat ng ito ay nangyayari matapos ang sunud-sunod na malalakihang campaign rallies ni Robredo nitong mga nagdaang linggo, kahit na nasa malayong ikalawang pwesto siya sa mga pre-election surveys ng Pulse Asia.
Ika-24 ng Marso nang sabihin ni Partido Reporma president at dating House Speaker Pantaleon Alvarez na si Lacson ang "pinaka-qualified" ngunit mas "realistic" na option si Robredo. Ayon naman kay NUP President and Cavite Rep. Elpidio Barzaga, maganda ang track record ng ikalawang pangulo kung kaya't siya ang pinakamainam sa pagkapresidente.
Sinasabing Cavite ang ikalawang may pinakamaraming bumoboto sa Pilipinas sa bilang na 2.3 milyon.
Kasalukuyang si Bongbong ang frontrunner sa mga nasabing survey, ngunit sa kasaysayan, hindi porke nauna ka sa survey ilang buwan bago ang halalan ay ikaw na ang mananalo. Bagama't hindi numero uno sa surveys bago ang eleksyon, nanalo pa rin sina dating Pangulong Noynoy Aquino noong 2010 at Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016.
Hindi na bago ang paglipat-lipat ng suporta ng mga pulitiko at partido sa Pilipinas o 'yung phenomenon ng pagiging "political butterfly." Dati nang nababatikos ang sistema ng mga partido pultikal sa bansa bilang "mahina" at "hindi batay sa ideolohiya." — James Relativo at may mga ulat mula sa News5