MANILA, Philippines — Dapat muling buhayin ang industriya ng pagsasapatos sa Marikina, ayon kay Deputy Speaker Loren Legarda na ngayo’y pambato ng Nationalist People’s Coalition (NPC) sa 2022 senatorial elections.
Ayon sa beteranong mambabatas, napapanahong pasiglahing muli ang ‘shoe capital’ ng Pilipinas kung saan ang mga gawang sapatos ay ‘world class’ ang kalidad.
Nagpahayag ng panghihinayang si Loren, ‘great grand niece’ o pamangkin sa tuhod ni Don Laureano “Kapitan Moy” Guevarra, na siyang founder at ama ng industriya ng sapatos sa Marikina, sa naghihingalo na ngayong industriya.
Aniya, sakaling siya’y muling makabalik sa Senado, ay pagtutuunan niya ng pansin ang pagpapalakas sa industriya ng pagsasapatos sa pamamagitan ng paglalaan ng pondo at technical support upang makabawing muli ang mga magsasapatos sa Marikina na lalo pang nahirapan ang kabuhayan dahil sa pandemya.
Noong siya’y senador pa, si Legarda ang nagsabatas ng Magna Carta para sa mga Micro, Small and Medium Enterprises (MSME) Act o Republic Act 9501.
Dagdag ni Legarda, kailangan umano ngayon ng mga programang pinansiyal na magpapalakas sa mga industriyang orihinal na Pinoy tulad ng sapatos na gawang Marikina.
Tulad ng iba pang lokal na industriya sa bansa, nagbibigay ito ng kabuhayan sa mga tao, ayon sa mambabatas, na lubhang kailangan sa panahon ngayon na papalabas ang bansa sa pandemya.