‘TF Kontra Bigay’, binuo ng Comelec
Vote buying tututukan
MANILA, Philippines — Nakatakdang buuin at pakilusin na ng Commission on Elections (Comelec) ang Task Force “Kontra Bigay” na magbabantay at magsasampa ng kaso laban sa mga kandidato na masasangkot sa pagbili ng boto ngayong kampanya at halalan.
Sinabi ni Comelec Commissioner George Garcia na isang “inter-agency” ang bubuuing task force. Magiging miyembro nito ang mga kinatawan ng Comelec, Department of Justice (DOJ), Presidential Anti-Corruption Commission (PACC), Department of the Interior and Local Government (DILG), Philippine Information Agency (PIA), National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP).
Inihayag rin ni Garcia na handa silang mag-imbestiga ng mga ulat ng vote-buying ng “motu proprio” o kahit walang nagrereklamo sa kanila. Pero mas makakabuti umano kung may magiging complainant na may bitbit na matibay na ebidensya para maidagdag sa makakalap nila.
“As we have said before, our commitment to eliminating this irregularity is unparalleled,” giit ni Garcia.
Maaaring isampa ng mga complainant ang kanilang reklamo sa Comelec Law Department o sa alinmang lokal na tanggapan ng Comelec.
Sa oras na ma-activate ang task force, maaari ring magsampa ng reklamo ang publiko sa mga ahensyang miyembro nito upang agad na makapagkasa ng imbestigasyon.
- Latest