Eleazar: Labis na pagtaas ng presyo ng bilihin, aksyunan na
MANILA, Philippines — Nanawagan si senatorial candidate at dating PNP chief Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar sa Department of Trade and Industry (DTI) na agarang magpatupad ng programa para protektahan ang mga konsumer sa labis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Ginawa ni Eleazar ang panawagan sa gitna ng mga ulat na umabot sa P60 ang nadagdag sa presyo ng ilang pangunahing bilihin.
“Damay na talaga ang presyo ng pagkain gaya ng baboy, manok, at mga gulay dito sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa merkado. Bilang pangunahing pangangailangan, dapat aksyunan ng DTI ito dahil kawawa naman ang ating mga kababayan na umaaray na sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin,” ani Eleazar.
Ayon kay Eleazar, maaaring makipag-ugnayan ang DTI sa local government units at Philippine National Police (PNP) para magsagawa ng random inspection ng mga presyo sa mga grocery store at public market.
Dati naman na aniyang tinutulungan ng PNP at LGUs ang kagawaran sa pagpapatupad ng batas.
Sa pamamagitan ng lagiang random inspection, mahihimok ang mga negosyante na huwag manamantala ng konsumer, ayon kay Eleazar.
Nanawagan din si Eleazar sa LGUs at DTI na palakasin ang sistema sa pagsasampa ng mga konsumer ng reklamo laban sa mga abusadong negosyante.
- Latest